Wednesday, October 31, 2018

Day 304: Contentment

Kung gusto mo ang isang tao ay dapat gusto mo kung sino siya noon, kung sino siya ngayon at kung magiging sino pa siya bukas. Sa isang tao ay dapat handa ka magmahal ng tatlo pang tao at higit pa.

Dapat mahalin mo kung sino siya noon dahil hindi ka sigurado kung hindi na babalik ang mga multo ng kahapon. Dapat mong tanggapin na lahat ng tao ay may kabanata na hindi kanais nais at gusto nang kalimutan. Marahil isa tong ex o kaya isang kaganapan na di na nais pagusapan pero bilang taong nagmamahal sa kaniya ay dapat mong tanggapin na lahat ng bagay na nangyari noon ay humubog sa pagkatao niya kaya siya ngayon ay naging tao na minahal mo sa kasalukuyan. Mabuting mahalin na ang kaniyang kahapon para sa oras na mambulabog ang nakaraan. Hawak kamay niyo itong malalampasan.

Madaling magmahal ng tao na nasa kasalukuyan, dahil kung ano pagkakakilala mo sa kaniya ay ayun ang minamahal mo. Parang lahat ay perpekto maliban na lang kung isa ka sa mga gago na pag naging kayo eh nais baguhin ang tao. Pero anupaman madalas ang pagmamahalan na nasa kasalukuyan ang pinaka matatag kung saan.

Nakakalimutan natin na ang taong mahal natin ay tao rin na magmamature o posibleng magbago kinabukasan. Kung mahirap tanggapin ang nakaraan niya paano na kaya ang pagkatao niya na hindi mo pa nakikita? ihanda mo ang sarili mo dahil madalas dito pumapalpak ang bawat relasyon, sa punto na dapat sabay kayong umuunlad ngunit may napag iiwanan kaya naghihiwalay na lamang. Ihanda ang sarili sa mga pagbabago sa isa't isa nang hindi nasasaktan.

Kung sa tamang tao ka naman mapupunta, hindi ka naman mawawalan ng halaga talaga. Hindi na siya maghahanap ng iba dahil parehas kayong umunlad sa mga taon ng buhay niyong dalawa. Marahil sa hayskul ay nainlove ka sa isang lalaki na magaling sa math at naging boyfriend mo ang isang engineering student, nasa isa kang masaya na relasyon kasama ang isang board passer at nag propose sayo bigla ang isang licensed engineer, Napangasawa mo ang isang tao na gumawa ng sarili niyang paliparan at kasabay mong tumanda ang isang butihing ama. Hindi ka mawawalan ng dahilan upang mahalin ang tamang tao dahil sa tamang tao ay para ka nang nagmahal ng marami.

Dahil kung alam mo kung paano makuntento, alam mong isang tao lang naman talaga ng hinahanap mo.

No comments:

Post a Comment