Sunday, October 14, 2018

Day 287: Perfect timing

Napaka gandang bagay ang lumaban ka sa paniniwala mo. Marahil ito ay para sa prinsipyo, relihiyon, o kaya pag ibig. Iba talaga ang taong may paninindigan. Alam mo kung saan siya nakatayo at kung sakaling bumagsak man siya, alam niya ang kaniyang lugar. Isang magandang katangian ang may paninindigan at iilan na lang ang tao na ganun.

Hindi biro ang manindigan sa isang bagay. Matinding dedikasyon ang kinakailangan para rito. Darating sa punto na masasaktan ka at marahil husgahan ka pa ng ibang tao sa iyong kahibangan pero hindi ka susuko. Bawat kritisismo na matatanggap mo ay gagamitin mo lamang na hakbang o kaya pundasyon para sa bagay na ninanais mo. Maunlad na sana ang bansa kung lahat ng tao ay naninindigan.

Pero minsan alamin mo rin ang limitasyon mo bilang tao, hindi sa lahat ng oras mabuting lumaban at kalabanin ang agos ng buhay. Minsan matuto ka rin kumapa sa sitwasyon. Kasi minsan, yung mga bagay na gustong gusto mo ay ang mga bagay na mas mabuti pang wala ka. Oo, mabuting lumaban pero kapag nakakaramdam ka na ng pagsuko, minsan pakinggan mo siya.

Sa trabaho o pag aaral marahil pwede mo kong kontrahin dito. Oo, mabuting mag pursigi sa kanila dahil hindi mo naman sila susukuan, magpapahinga ka lamang. Ang tinutukoy ko ay ang mga relasyon na wala na rin naman pinapatunguhan. Mabuti pa yung propesyon at pagaaral, nadadaan sa tamang sikap at pag unawa, ang relasyon, hindi mo hawak ang isip ng tao na nasa harapan mo. Kahit anong buhos mo ng pagmamahal sa kaniya ay hindi ka pa rin nakakasigurado na hindi kaniya iiwanan.

Nakakatawang may mga taong lumalaban sa relasyon na palpak ngunit sa isang sensyales ng hirap sa trabaho o pagaaral, susuko sila. Iba kasi talaga kapag tao na nasa harapan mo ang sinisikap mong ayusin, napaka unpredictable ng tao para daanin sa pakiusap at pagsisikap. Tulad nga ng sinabi ko kanina, walang kasiguraduhan ang isang tao na di ka iiwan kahit anong klase ng pagmamahal pa ang ibuhos mo sa kanya. Ganun ang tao eh.

Pwede mo ikatwiran na nasa maling oras lamang kayo kaya ilalaban mo pa rin. Tandaan: Ang tamang bagay sa maling oras ay maling bagay pa rin. Napakahalaga ng oras sa lahat ng bagay. Oras at paninindigan, dalawang bagay na kailangan mo upang mapagtagumpayan ang isang hinahangad na tagumpay o layunin.

Sa huli, mabuting manindigan sa isang tao ngunit kapain mo rin ang sarili, paano mapupuno ng isang taong durog ang taong buo na kahit wala na siya. Kasi minsa hindi naman kailangan labanan lahat ng laban sa mundo. Minsan sapat na maghintay at hayaan na gumana ang tadhana

No comments:

Post a Comment