Wednesday, October 24, 2018

Day 297: Shot.

Sa pagnanais kong alisin ka sa aking isipan ako ay umupo kasama ang mga kaibigan, sa harap ng pulutan at serbesa, ibinuhos lahat ng nararamdaman. Napapalibutan ng mga kaibigan na handang makinig sa mga kwento na kahit hindi naman ako lasing ay ikinukwento ko pa rin. 

Isang shot.

Kasabay ng pagnanais kong hindi na masambit ang pangalan mo ay kasabay kong lulunurin ang lalamunan ko gamit ang serbesang ito. Walang ng chaser chaser, pagod na kong maghabol.

Pangalawang shot.

Dahil bago sa inuman ay medyo mahina sa labanan. Kasabay ng bawat buhos ng alak  sa lalamunan ay patak ng luha na sayo ko na naman sinasayang. Kulang ang isang shot glass para ipunin ang mga luhang iniluha ko para sayo. Naramdam ko ang medyo pagkahilo pero ipinilit ko pa

Pangatlong shot

Masarap na mapait na hindi ko maipaliwanag pero alam kong may kulang. Ang serbesa na nasa lalamunan ngayon ay umaaligid na sa kalamnan at ramdam ko ang lamig ng pangatlong shot. Nakulangan talaga ako kaya inabot ko ang bote, sabi nila hindi ko raw kaya

Pagkatungga ng bote

Sumusuka ako ngayon sa lapag. Lumuluha at hindi maintindihan ang sakit na nararamdaman. Parang sinuntok ang aking kalamnan at hindi maipaliwanag bakit ang paligid ko ay umiikot na naman. Ngunit kahit sa kabila ng paglabo ng paningin ay malinaw parin ang katotohanan na hindi ka na sakin

Umupo ako sa mesa at medyo nahimasmasan, inabutan ng tubig upang kumalma naman.  Habang umiikot ang paligid ay malinaw pa rin ang alaala mo sa akin, serbesa kong pampalimot lalo lamang nagpaigting ng damdamin. Kinuha ko ang isang shot glass

Pang apat na shot

Mahina pa ko para sa laban ng inuman pero mas mahina ako kung pilit kitang kakalimutan. Mang mang ako nung inisip kong kaya kitang limutin gamit ang isang matapang na inumin. Unti unti na akong natatalo ng pagkahilo, at nawawala na ko sa sarili ko. Nakakatawang bago mawala ang malay ko, ikaw pa rin ang nasa isip ko.

No comments:

Post a Comment