Sunday, October 7, 2018

Day 280: Happy pill

May tao sa buhay natin na sadyang pasasalamatan mo dahil nabuhay siya. Tipong kahit anong katarantaduhan ang gawin niya kilig na kilig o kaya tuwang tuwa ka sa kaniya. Kaya ka niyang pangitiin kahit sa panahon na sobrang lungkot mo na pinagsakluban ka na ng langit at lupa. Isang ngiti lang niya buo na araw mo, maramdaman mo lang na malapit siya o kaya simpleng text sadyang buo na araw mo. Iba ang tama mo sa taong to. Lahat ng gawin niya ay tama kaya masaya ka sa kaniya. Kaya bilang isang marupok na nilalang, nahulog ka sa kaniya.

Lahat ng nagpapasaya ay may pinagdaanan na masama. Kaya pilit nila na pinapasaya ang mga taong nasa paligid niya. Yung pagkukulang na meron siya sa sarili niya ay pinupunan niya sayo o kaya sa inyo. Tama ang narinig mo, marahil hindi lang siya sweet sayo. Pero marupok ka kaya ayun. Nahulog ka.

Minsan kapag nagtagpo ang dalawang taong malungkot, sinisikap nilang pasayahin ang isa't isa. Ang  mahirap dito ay maaring mahulog ng sobrang lalim ang isa sa punto na di na siya makaahon pa. Maayos kung pareho kayong mahulog, eh pano kung hindi. Mahirap talaga pag nagtagpo ang dalawang tao na pilit inaayos ang sarili. Dalawang tao na malungkot na hindi batid ang pinagkaiba ng kalungkutan sa pagmamahal ay di malayo magkaproblema sa huli.

Masarap magkaron ng happy pill. Iba ang may nagpapasaya sayo ng walang kapalit. gigising ka sa umaga na nakangiti at tutulog ka rin na ganun. Kaso baka yung happy pill mo, pain reliever ka lang pala.

Kaya maraming pumapalpak na relasyon, hindi nila mabatid ang pinagkaiba ng kalungkutan sa pagmamahal. Minsan kasi di mo naman siya mahal eh, malungkot ka lang at nagkataon na nandyan siya kaya akala mo sagot na siya sa mga dasal mo.

Wag mo hanapin ang gamot mo sa ibang tao dahil lahat may pinagdadaanan. Wag magmahal kung nalulungkot lamang sapagkat pag nawala na ang lungkot na ito di malayo na mawala ng pagmamahal mo sa kaniya na wala naman pala talaga sa simula. Wag magkakamali sa pag tukoy ng pagmamahal sa kalungkutan.

No comments:

Post a Comment