Wednesday, October 17, 2018

Day 290: Lagyan ng Label

Naalala ko mga kapatid ko noon.  Nagtitimpla kami ng ovaltine ng yung tanga na kuya ng mga kapatid ko ay basta kumuha ng garapon ng puting butil ng krystal. Iniligay niya lahat yun, tig iisang kutsara, sa bawat baso nilang tatlo. Nagulat sila ng maalat ang ovaltine, inisip pa nilang magreklamo sa tindahan ngunit hindi naman yung ovaltine ang problema, yung nailagay pala ay asin at asukal. Syempre ang may kasalanan pala ay mama namin dahil di siya naglalagay ng tamang label sa mga garapon, basta pag pula raw takip, asukal. Kapag maroon, asin. Pero siyempre pag mama may kasalanan, walang aangal. Pero noon ko nakita ang halaga ng paglalagay ng label sa mga bagay dahil nakakalito madalas nakakagulo.

Minsan nilalagyan natin ng label ang mga bagay hindi dahil para maiwasan ang pagkakamali, bagkus para hindi na ito agawan ng iba. Inilalagay natin ang pangalan natin sa mga gamit natin upang di na manakaw o walang magtangka mang agaw. Libro, lunch box, ultimo ballpen nilalagyan ng label para di maagaw. May nakakatawang kwento ako na naalala, isang kaklase ko noon ang laging nananakawan ng ballpen kaya ginawa niya ay nilagyan ng pangalan ang bahay ng ballpen, ninakaw naman ang tinta. Nilagyan niya ng pangalan nag tinta, ninakaw naman ang bahay.  Nung nilagyan niya parehas, ninakaw naman ang takip. Talagang kung gusto mo makasigurado sa isang bagay na di maaagaw sayo, kailangan mo lagyan ng pangalan o patunay na pag aari mo bawat sulok nito.

Ganyan din sa relasyon. May mga siraulo na nagpapaka loyal sa isang relasyon na wala namang label, tipong sila yung ayaw maglagay ng label tapos sila yung masasaktan. Minsan naman hindi alam sino maglalagay ng label kaya ang nangyari, naglandian na lang sila hanggang sa magkasawaan at nawala nang parang ganun ganun na lang. Minsan gusto naman nila ng label talaga, kaso yung isa ay masyadong takot sa isang bagay na totoo kaya mas madalas na nakahanap na ng iba bago pa malaman kung ano ba sila. Alam mo anong pinakamasakit? yung di ka niya mabigyan ng tamang label pero dun sa ipinalit mo, hindi lang niya binigyan ng label, inexpose pa niya sa mundo. Kaya ikaw mukhang tanga na naging pampalipas oras lamang.

Pero di mo masisi yung mga tao na walang label, marahil nasaktan na sila ng todo o kaya di pa sila sigurado sa nararamdaman o kaya gusto niyo isalba ang pagkakaibigan niyo. Kaya kahit MU o mutual understanding na lamang ay pinatos mo a. Ganun na lang basta okay ka, masaya ka. Tila kang nakakapit sa sanga na hindi mo alam kelan babagsak pero hindi alintana dahil maganda ang nasisilayan mong langit sa taas.

Sa relasyon na walang label, ang hirap kapag sobrang sweet niyo tapos malalaman mo kaibigan lang ang pakilala sayo. Daig mo pa pala magnanakaw ng ganun. Dahil hindi naman talaga "kayo" kaya nagnanakaw ka lamang ng sandali, nagnanakaw ng tingin, nagnanakaw ng ngiti. Gusto mong gawing opisyal na pero nahihiya ka dahil alam mo na kahit mahal na mahal mo ang taong yun, dahil ayaw ka bigyan ng label, hindi ikaw ang priority nito.

 Kaya tatanggapin mo na lang na ikaw ay nakakapit pala sa isang bagay na kahit anong oras ay kaya kang bitawan at pwede kang palitan at sa oras na iwanan ka niya wala ka pang karapatan na lumuha at masaktan dahil hindi naman kayo at malinaw yun. Daig mo pa ang android app sa pagiging pampalipas oras.

Isipin mo yun no? Sobrang loyal mo sa isang relasyon na walang label at sobrang mahal mo ang taong di mo alam kung sayo pa ba. Kaya kung ako sayo, lagyan mo ng label o kaya lumayo ka na lang unti unti. Baka paggising mo isang araw ay durog na puso ang kamulatan mo.

No comments:

Post a Comment