Monday, October 8, 2018

Day 281: Hopeless Romantic

Napakahirap mahulog sa taong hinahanap pa ang kaniyang sarili. Yung naguguluhan pa kung ano ba ang halaga niya sa mundo. Sinisikap pang mahalin ang kaniyang sarili at unawain ang sarili niyang mga gusto. Oo, sila yung mga tipo na masarap hintayin dahil sa oras na ayos na sila ay kaya nilang magmahal ng para bang hindi pa nasasaktan. Pero hanggang kelan mo kayang humawak sa hangin?

Ilang beses ka niyang tatalikuran at tatanggihan at hindi mo siya masisisi sa mga aksyon niya dahil marahil minsan na siyang nagmahal ng buo pero sinaktan lamang. Nawalan siya ng konsepto ng pag ibig dahil sa isang tao na akala niya hanggang altar ang hangganan. Ang hirap sadya magmahal ng tao na kahit alam mong makuha mo ang kaniyang puso, pira piraso na at hindi mo na makukuha ng buo.

Minsan kahit wala naman nanakit sa kaniya, mas pinipili niyang mahalin muna nag sarili niya. Mas nais niyang bumuo ng imperyo sa kaniyang paligid at buuin ang sarili bilang tao. Mas mahirap sila suyuin kaysa sa mga higit na sugatan. Dahil sila alam nilang buo sila at ang presensya ng isang tao ay dagdag lamang o kaya maaaring panggulo lamang. Hindi nila nais ng isang kasama na higit sa isang kaibigan. 

Mahirap mahulog sa tao na sa unang sulyap ay nagdesisyon ka na gusto mo siya o kaya hindi mo pa siya lubos na nakikilala. Ang hirap mapanalunan ng puso na pagmamay ari pa ng iba o kaya hindi naman talaga nasa takilya sa simula. Kailangan mong unawain na kahit anong gawin mo ay hindi siya mapapasa iyo. Mapipilit mo ba ang puso na hindi lang sayo nakasarado?

No comments:

Post a Comment