Hindi ko lubos maunawaan paano nagagawa ng ibang tao na lokohin ang taong "mahal" nila. Kasi, oo natural siguro yung marami kang nagugustuhan; pero hindi ba sa kabila ng mga yun ay may isa kang espesyal na tao sa isip mo at kapag napasagot mo na siya o kaya naging kayo ay abot langit ang tuwa mo.
Ang hirap na nga magpasagot ng isang babae, dalawa o higit pa yung iba. Nakadagdag ba yun sa pagka lalaki mo? Yung marami kang napaiyak at naloko dahil gusto mo lang may mapatunayan? Anong dahilan ang sapat para manloko ka ng isang babae?
Marahil gamitin na argumento ng iba ay "hindi na ko masaya sa kaniya" o kaya "hindi na siya tulad ng nakilala ko" letse. Kung di ka masaya sa isang relasyon ay umalis ka na, hindi yung naghahanap ka ng iba habang may isang tao na handa pang ibigay ang lahat sa iyo. Dahil hindi yun nakakadagdag ng pagkalalaki mo. Duwag pa nga ang pwedeng maging pananaw sayo dahil lumalabas na hindi mo kayang mawala sa isang relasyon kaya kumakapit ka sa isang tao habang kumukuha ng iba. Hindi nakakalalaki ang paghahanap ng iba, isa kang duwag.
Kung hindi ka na masaya sa relasyon, ikaw na mismo ang tumapos nito. Kung tingin mo ay hindi na maayos eh, eh di umalis ka muna rito para walang mas malalim na sugat ang maidudulot mo. Hindi nakakalalaki kapag iniyakan ka ng isang babae. Tandaan mo yan. Umalis ka kung di ka masaya, hindi yung naghahanap ka agad ng bago, dahil hindi mo alam ang epekto ng panloloko sa biniktima mo.
Hindi niya lang basta basta tatanggapin na hindi na siya ang mahal mo. Milyun milyong tanong ang papasok sa isip niya at lahat yun ay hindi niya maipapaliwanag. Hindi niya iisipin na nasayo ang problema, masyado ka niyang mahal para dun. Iisipin niya lahat ng pagkukulang niya sa punto na makukwesityon kung ano ba ang tunay niyang halaga sa mundo bilang tao. Iisipin niya kung pangit ba sya masyado, bobo ba siya, wala siyang kwenta, hindi ba sya magiging sapat, hindi ba sya ka mahal mahal at marami pang iba nababagabag sa kaniya.
At alam mo ang pinakamasakit na pwedeng mangyari kapag niloko mo siya? Makakalimutan niyang mahalin nag kaniyang sarili habang pilit ka niyang minamahal pa.
No comments:
Post a Comment