Ang hirap kapag nahulog ka sa mabuting tao para lang malaman na toxic siya magmahal. Tipong inuubos niya ang bawat lakas mo at kahit mahal mo siya ay batid mo na hindi na siya mabuti para sayo pero hindi mo siya maiwan dahil mahal mo nga. Naging hostage na ang damdamin mo at naging bilanggo ka na lang imbis na iniirog.
Kapag sinubukan mo umalis ay gagawa siya ng paraan upang manatili ka sa piling niya. Pwedeng pagbantaan ka niya na sasaktan ka niya o kaya sasaktan niya ang sarili niya. Kaya mananatili ka na lang gamit ang emosyon na takot o awa. Iikot kayo sa isang bilog na walang katapusan hangga't walang naglalakas loob umalis na, minsan kahit ayaw ng magkabilang panig, kailangan may mangialam na dahil sobrang gulo na. Nagsasakitan kayo sa punto na hindi na malinaw ano ba ang depinisyon ninyo ng pag ibig.
Lahat naman kasi tayo may sariling laban na pilit nilalabanan. Lahat may maliit na boses na sinasabing hindi mo na kaya, minsan sapat na kalaban na ang sarili natin. Kaya naghahanap tayo ng makakalinga at mkakasama natin lumaban sa hamon ng buhay, kaya nakakainis na yung taong dapat karamay mo ay siyang mismong hamon ng buhay.
Kahit kelan ba naging bihag ang damdamin? Minsan kahit mahal mo siya dapat maisip mo na hindi lisensya ang pagmamahal upang tapakan ang pagkatao mo.
No comments:
Post a Comment