Thursday, October 11, 2018

Day 284: Hide and Seek

Ang hirap siguro nung itinatago sa sa mundo. Yung paulit ulit niyang sasabihin sayo na mahal ka niya pero itatanggi ka niya sa harap ng maraming tao. Walang post sa social media at walang kahit anong picture together. Para kayong bilanggo na itinago sa mundo dahil sa oras na may makaalam, maghihiwalay kayo. Isang relasyon na tangin kayo ang may alam at wala ng iba at minsan ang masakit pa. Siya lang ang nagdesisyon na itago ka.

Kaya ang labas mo ngayon ay parang magnanakaw. Magnanakaw ng atensyon sa taong mahal mo. Kaya ka naalarma noong ipinagbawal ang mga magnanakaw eh, kasi paano na kayo? Nagnanakaw lamang ng tingin, numanakaw ng sandali, numanakaw ng ngiti at numanakaw ng sandali. Ansaya no? isa ka lamang mang aagaw sa taong nagpangako sayo ng walang hanggan. Pero siyempre papayag ka sa ganung sistema. Mahal mo eh. Marupok ka, manhid siya, perfect combination.

Minsan dagdag asin pa sa sugat ay kaya ka itinatago ay may itinatago pala sayo. Dalawa na pala kayo at ikaw pa yung lumalabas na kabit kahit alam mo na ikaw naman yung unang nakakilala sa kaniya. Itinago ka ng tao na handa mong ibigay ang lahat. Yung pilit mong kinakapitan ay matagal na palang bumitaw.

Kaya sa ganitong pagkakataon, sikapin mong alamin ang halaga mo. Wag mag settle sa tao na itatago ka sa mundo. Hindi na siya magbabago para sayo dahil ganun mo na siya nakilala. Pilit natin pinanghahawakan ang mga bagay na alam nating mawawala kalaunan at tingin ko napaka banal nun. Ngunit iba na nag usapan kapag tinutukoy na ang halaga mo bilang tao.

Kaya kahit humingi ka ng pagbabago sa taong to ay di niya ibibigay dahil nasanay na kayo sa ganitong sistema. Sasabihan ka pa niya na sumosobra ka o kaya nagkulang ka minsan kaya ganito. Kung ganun man, alalahanin mo sana na sa tamang tao ay hindi ka sobra o kulang. Tama lang. Tama lang para ipagmalaki sa mundo, tama lang para ipakilala sa magulang. tama lang para makipag sumpaan sa altar.

No comments:

Post a Comment