Wednesday, November 7, 2018

Day 311: Muntikan.

Masarap na aspeto ang ligawan lalo na kung nagsimula kayo sa pagkakaibigan. May pundasyon ng pagkakakilanlan at alam niyo ang maganda at baho ng isa't isa. Malakas din ang loob mo ipakilala siya sa pamilya mo dahil may pinagsamahan na nga. Siguradong sigurado ka na sa taong to at naghihintay ka na lamang ng magandang pagkakataon para iangat ang relasyon niyo. Pero mapagbiro talaga ang tadhana, sa isang pagkakamali mo nawala ang lahat.

Ang masakit pag nawalan ka ng taong mahalaga sayo ay hindi lamang isang tao ang nawawala sa iyo. Nawalan ka ng posibleng karelasyon, nawalan ka ng karamay at ang pinakamasaklap nawalan ka ng kaibigan. lahat lahat nawawala sa isang pagkakamali at habang buhay mong palaisipan ano bang mali sayo. bakit nga ba biglang nanlalamig kapalit ng isang pagkakamali? Bakit sinayang ang mga tao na lumipas at sa oras na tayo na sana, bigla mo kong iniwanan. Kung kelan kita na natin ang liwanag ay bigla mong binitawan ang aking kamay. Bakit naman?

Sa pagkakataon na bigla siyang nanlamig ay pwedeng wag mong sisihin ang sarili mo. Kasi pwede na matagal na naman na hindi ka gusto, sadyang naghintay lang ng pagkakataon iwasan ka. Kaya kahit ang pinakamababaw na pagkakamali ay huhusgahan. Hindi siya "biglang" nanlamig, matagal ka nang hindi gusto, hinanapan ka na lang ng butas.

Alam mo yun? yung gusto mo naman siya pero trip mo siyang subukan kaya inilagay mo siya sa pagsubok. Tapos nagulat ka na lang, ganun ganun lang siya sumuko. Gaano kahirap yun, bigla mong nalaman na ang tao na handa kang tumawid ng dagat para sa kaniya eh, hindi handang mabasa ang sapatos para sayo. Gusto mo lang naman ng taong handang maghintay, tapos ang tingin niya sayo nambabastos ng oras niya.

"Sa mga araw na nanahimik ako naisip kong hindi na ako masaya, hindi ako masayang
Sundin ang mga request mo, pakinggan ang mga kwento mo sunduin ka at hintayin ka."
- Mga pahayag na nagpapahiwatig na ang taong nangako na handang gawin ang lahat para sayo ay biglang sumuko na lang. Parang gusto niya palabasin na nakakapagod kang mahalin na imbis mapangiti siya sa mga biglang pasok mo sa kaniyang isip, ay nakaramdam siya ng pagod. Pagod na ibigay sayo ang mga bagay na kaya naman niyang ialay, mga bagay na may sobra naman siya pero bakit di niya maibigay. Nakakasawa ka nang sundin at hintayin pero ang pinakamasakit ay nakakasawa ka nang pakinggan. Oo, ang mga araw mo na hindi siya kapiling ay mga kwentong hindi na niya nais mabatid. Kahit anong tamis ng salita ng pagpapaalam, ang paalam ay paalam.  Mga salitang nakabalot sa asukal na ang tunay na ibig sabihin ay "nakakapagod kang mahalin."

 Lahat ng pangarap na binuo niyo lalo na ang mga binuo mo kasama siya ay wala na.  Kaya ang sarili mo na pinilit mong buuin sa mga dumaang taon ng buhay mo ay biglang nadurog at naglaho. Self esteem, self worth, at self confidence ay unti unting bumaba at nawawala. Lahat ng bagay ay kinwestyon mo, lahat ng sa sarili mo kung san ba may kulang. Lahat wala na. lahat.

Balik tayo sa isang mong pagkakamali, dahil nga nagkaron ka ng maliit na bagay na pinalaki niya lang masyado ay humingi ka ng tawad. Hihingi ka ng tawad kahit hindi mo lubos maunawaan ang mga ginawa mo. Paghingi mo ng tawad ay maiintindihan ka niya pero hindi ka niya mapapatawad. Para bang "Nauunawaan ko ang nangyari, pero hindi ibig sabihin nun mamahalin pa rin kita."

Habang tumatanda tayo ay maiisip natin na hindi pala sapat ang pagmamahal pag pumasok sa isang relasyon. Kailangan mo ng oras, balanse sa gawain at mahabang pasensya sa lahat ng bagay. Nakakabobo nga, sa pag ibig walang matalino dahil lahat tayo bobo sa pag ibig , kailangan mo ng diskarte at hindi basta utak. Kasi kahit akala mo okay na lahat, biglang babagsak ang mundo sa mukha mo.

Kaya mapapaisip ka kung masyado mo bang isinarado ang isip at puso mo sa pagibig kaya nung may dumating, hindi mo alam ang gagawin. Masyado mo isinarado ang puso mo at masyado kang naging mapang hinala kaya ayn, nawala na. Nagkamali ka ba na sinikap mong subukan muna ang taong gustong kumatok sa puso mo. Sumobra ba ang pag babantay mo kaya nagsawa siya? Hindi mo na malalaman yan. Pero ang maganda dyan, isang araw pasasalamatan mo ang sarili mo na pinakawalan mo siya at binantayan mo ang sarili mo maigi. Pero hindi ito yung araw na yun.

Sa huli, hihiga ka na lang sa kama mo nakatingala sa kisame o sa agiw ng gagamba kung ano ba ang nagawa mo sana para hindi ka niya iniwanan bago pa man kayo may nasimulan. Nasayang ba lahat ng binuo niyong pangarap? o nakaiwas ka sa tao na marahil iiwan ka rin naman pagdating ng araw? Hindi mo na malalaman yun. Pero ang malinaw ay muntik nang maging kayo. Sa pagitan ng kayo at hindi pala ay nagkatagpo ang dalawang puso. Isang umasa ng todo at isang napagod ng husto. Muntikan ang lahat pero ang pakiramdam mo totoo lahat. Lahat lahat ng bagay na hiniling mo ay naging kayo ay wala na pero sa isip mo totoo sila.

Ang mga bagay na muntikan na ay ang mga bagay na pinaka nakakapanghinayang dahil wala ka nang magagawa kundi isipin ano kaya kung... Wala nang nangyari sa relasyon na wala naman talaga. kaya ngayon iisipin mo na lang kung ano kaya ang posibleng kinabuksan niyo kung ano. Malabo ang mga bagay sayo pero malinaw na muntikan lamang kayo.

Ilang taon mula ngayon kahit nakamove on ka na ay may kirot ka pa rin sa taong iniwanan ka sa ere. Awkward pa kayo kahit na wala naman kayong nakaraan. Paano mo uungkatin ang isang bagay na wala namang ebidensya at hindi namn talaga nangyari. Nakakatanga.

No comments:

Post a Comment