Wednesday, November 21, 2018

Day 325: Filipina Beauty

Kayumangging balat na may ilong na hindi kataasan. Maitim na buhok na bumabagsak makalampas ng balikat. Matatamis na ngiti sa pagitan ng matatambok na pisngi, at mga matang bilugan na kakulay ng mga kahoy sa kagubatan. Mga galaw na di makabasag pinggan at mga kamay na sanay sa gawain. Sadyang di maitatanggi ang ganda ng isang pilipina.

Hindi siya katangkaran ngunit sapat lang para kumatok sa iyong puso. Hindi niya kailangan ng matangos na ilong sapagkat aagawin ng matamis niyang ngiti ang iyong pansin. Ang maputing kutis ay isang kanluraning konsepto kaya bakit mo sa kaniya ito hahanapin? Nakita mo na ba ang kaniyang kayumangging balat sa oras na humalik sa liwanag ng araw? O kaya naman mailawan ng mga sinag ng buwan kahit sa gitna ng kadiliman, mabibighani ka sa kaniyang kagandahan. Hindi tunay na kutis na puti ang basehan ng kagandahan, dahil kung ganun ka mag isip ay hindi ka pa nakakatuklas ng isang pilipina.

Pero hindi lahat ay nagtatapos sa panlabas niyang anyo. Sapagkat ang kaniyang tinig ay makatindig balahibo. Tulad ng mga huni ng ibon sa taas ng kagubatan, ay tamis ng kaniyang tinig kapag siya ay nagsimula na sa kantahan. Malambing ang boses na hindi magpapa api. Matapang siya na busilak ang puso, kombinasyon na wala sa marami. Siguro sa lahat ng bagay na mali mong makikita, isa siya sa mga bagay na sa una mong tingin ay alam mong tama.

Simple at payak ganyan ilarawan ang ganda ng pilipina, di mo kailangan ng basehan dahil siya na mismo ang kagandahan. Mula sa matatamis niyang ngiti, magandang pag uugali at nakakaindak na himig, tanga ka kung pakakawalan mo ang babae na ganitong katangi tangi.

Pambihira siya ngunit wag iisipin na mahina. Dahil ang kaniyang isip ay angat sa kahit anong larangan. Kulang ang mga pang uri sa filipino para tukuyin siya, ngunit iba talaga ang ganda ng isang filipina.

No comments:

Post a Comment