Saturday, December 1, 2018

Day 335: Para sa taong pinili niya

Maswerte ka, ikaw ang pinili niya. Masakit man o may pait sa parte ko pero tatanggapin ko na ikaw nga ang pinili niya. Hindi malinaw sakin kung ikaw ba ang unang niyang nakilala o ang unang dumating basta ang malinaw ikaw ang pinili niya. Sa kabila ng lahat ng ginawa ko ikaw ang gusto niya at binabati kita. Ano nga naman ang laban ko sayo? Buong pagkatao ko ay katumbas lamang ng kalahati mo. Masakit man sakin ito pero binabati kita.

Ayaw ko manumbat ngunit paano kaya humantong sa ganito. Ako naman yung laging nandyan para sa kaniya kahit anong mangyari. Dumarating ka lamang para ayusin ang mga bagay na nasimulan ko. Para kang amerikano noong panahon ng kastila at hapon at ako ay isang hamak na pilipino. Kami yung lumaban hanggang huli at sa pagkakataon na mananalo na kami ay papasok ka sa eksena at aagawin lahat ng napagtagumpayan namin. Ang masaklap pa ay ako yung pinasalamatan pero ikaw yung minahal.

Mas marami akong bagay na iniaalay ngunit di ko maintindihan na mas tumatatak ang bawat ginagawa mo sa kaniya. Siguro sadyang higit ka sakin sa lahat ng bagay sa akin mas maitsura ka pa nga eh. Kahit alam ko na wala akong laban sayo ay sumugal ako kaya wala kang kasalanan at dapat ihingi ng tawad dahil ginusto ko to.

Nakakainis lang siguro isipin na lahat na ng meron ako ay ibinigay ko sa kaniya, ikaw na nagbigay lamang ng parte ng meron ka ay siya pang tinanggap niya. Para bang parehas lang tayo nagbigay ng rosas. Nagbigay ako ng tatlo at ikaw isang dosena, ang hindi lang naman niya alam dun ay ayung tatlong rosas na yun lang ang meron ako pero ikaw may isang hardin.

Paalala lang sana na mahalin mo siya ng buo kahit na pinili ka niya habang nagbibigay lamang ng parte ng meron ka. Naubos ako sa pagmamahal sa kaniya habang ikaw ay maaari pang maglaan pa sa iba. Makikiusap na lang ako na ibigay mo sa kaniya ang pagmamahal na sana ay iaalay ko kung ako ang pinili niya. Pag nagbigay ka ay ibigay mo ng buo wag lang parte ng meron ka. Siya ang mundo ko at parte lamang ng iyo. Maging tapat ka sana at wag mo siyang sasaktan. Hindi makakasigurado na hindi na siya magkakaproblema pero siguraduhin mong di na niya yung haharapin mag isa.

Punuin mo ang mga araw niya ng galak at ngiti at wag kang gumawa ng mga bagay na alam mong ikagagalit niya. Maswerte ka at sana panindigan mo yun, panindigan mo siya...

Sa huli ay muling binabati kita dahil ikaw ang mahal at pinili niya. Huling hiling ko na lang  sayo ay wag mo iparamdam sa kaniya ang sakit na nararamdaman ko ngayon.

No comments:

Post a Comment