Pero ito yung nakakatawa sa pag tanggap o sa pag momove on; akala mo okay ka na. Laging ganyan. Ililihis mo yung sarili mo sa mga bagay na malayo sa kaniya. Makikipagkilala ka sa ibang tao, maglalaro ka at magsasaya kasama ang mga kaibigan, lilibangin ang sarili sa hobbies, magiinom, pupuntang concert at kung ano ano pang gawain na pwedeng makapag alis sa kaniya sa isip mo. Hindi mo naman talaga tinatanggap na wala na siya, nililibang mo lang naman talaga ang sarili mo. Hindi naaalis ang malaking bahagi niya sa buhay mo bagkus pinapatungan mo lang to ng maliliit na bagay pero andun pa rin siya. Andun pa rin siya. Kasi sa huli hindi mo naman talaga nilimot o tinanggap na iniwan ka, iniba mo lang ang atensyon mo dahil...
Sa oras na makita mo siyang uli, kahit anong tagal na nang pag momove on mo, sa oras na makita mo siya muli ay manghihina ka na naman. Back to zero ka na naman. Yung lakas ng loob na inipon mo at yung saya na akala mo totoo, ay nawawala sa isang sulyap mo sa kaniya. Dun mo maiisip na wala namang kwenta yung mga bagay na ginawa mo. Kasi hanggang ngayon siya pa rin, siya ang isinigaw ng puso mo. Hindi dahil nilibang mo sarili mo ibig sabihin ayos ka na. Minsan pag nakita mo pa siya hindi lang basta babalik yung damdamin eh, babalik din yung unang araw na nagkita kayo, kung gaano pa yung kilig mo sa kaniya at yung mga alaala na masaya pa kayo. Lahat yung babalik eh, manghihina ka at hindi mo mamamalayan na nahuhulog ka na naman sa kaniya. Kahit na...
Ayos na ang buhay niya ng wala ka. Nakausad na siya at posibleng meron ng iba pero ikaw umaasa parin sa posibilidad na meron pa. Alam mo na ang selfish isipin na sana malungkot siya na nawala ka pero still... Masaya na siya eh, maayos na ang buhay niya habang ikaw nagsisimula na naman uli. May bagong kinang na sa kaniyang mga mata at may iba nang isinigaw ang puso niya at hindi na yun ikaw. Kahit anong lungkot o lugmok mo ay hindi na maibabalik ang nakaraan. Nakamove on na sIya at masaya habang ikaw patuloy na nagpapanggap.
Pero take time to heal muna. Hayaan mo muna magsugat ka sa ngayon at unti unti kang maghilom sa paparating na panahon. Darating ka naman sa punto na matatanggap mo ang lahat. Hindi limot, dahil minsang naging masaya ka at may mga aral naman na naiwan na bibitbitin mo sa kinabukasan para di na maulit ang ganitong pangyayari.
Darating naman ang araw na may isang tao na ibibigay sayo ang lahat wala ka pa mang hinihingi. Handa siya magsakripisyo at mahalin ka ng walang iniintay na kapalit. Siya ang magiging tama sa mga bagay na nangyari na mali sayo. Maghihilom ka rin balang araw pero hindi ngayon.
No comments:
Post a Comment