Wednesday, December 12, 2018

Day 346: Friends with ex

Alam mo yung pakiramdam na niloko ka tapos humanap ng iba tapos nung di nagwork out, biglang balik sayo kasi ikaw daw talaga. Takte no? Parang sinabi niya na "I shall return" pero ang tanong: "why did you leave in the first place?" Masyado nating niroromanticize yung mga taong umalis tapos kapag nauntog babalik eh bakit ayaw natin itanong kung bakit sila umalis sa simula pa lang? Ano yun? Nung nagdurusa ka at luhaan wala siya tapos nung naghihilom ka bigla siyang dadating para sabihin na di ka pala niya kayang mawala. Pero sa mata ng taong may tamang pang unawa o nasa labas ng sitwasyon, makikita na kaya siya bumalik dahil palpak yung ipinalit sayo.

Hindi na kayo babalik sa dati kahit alam mo na nasanay na kayo sa presensya ng isa't isa. Kaya pupunta kayo sa pinaka "safe" Ayun ang maging magkaibigan uli. Alam mo, minsan nakakainis yung mga ganito, di ko nilalahat pero marami kasi. Nawawalan ng halaga at pagkasagrado yung ibig sabihin ng pagiging magkaibigan, kasi ang isang tao na ituturing mong kaibigan ay isang tao na maaasahan mo sa problema, pwede mo siyang iyakan at sa piling niya wala kang pag aalinlangan dahil alam mong ligtas ka sa kaniya. Sa kahit anong tatlong bagay na yun ang ex na gustong makipagkaibigan ay hindi pasok dahil; una paano mo aasahan ang isang tao sa problema na binigyan ka ng problema sa simula? Problema mo nga na iniwan ka niya kaya paano siya tutulong sa mga problema mo? Pangalawa, iiyakan ng walang pag aalinlangan, paano ka iiyak sa tao na minsan ay ang naging dahilan ng pagkaubos ng luha mo?  At huli ay ligtas ka sa piling niya... Paano mo mararamdaman ang kaligtasan at seguridad sa taong minsan na nagdesisyon isang araw na gusto ka niyang iwan at palitan ng iba. Hindi lang dito naikot pero talagang bumaba na ba ang pamantayan natin sa mga kaibigan?

Pero mahirap nga makipag kaibigan sa taong minsang nagbukas ng sugat sa puso mo. Yung pagbabalik niya ay parang paglalagay lamang ng asin sa sugat na hindi pa naman talaga naghihilom. Magkaibigan nga kayo pero hindi maitatanggi na may sumisilip ng posibilidad ng balikan o sadyang gusto mo na siya itaboy para makausad ka na sa buhay mo ng tuluyan.  Mahirap maipit dahil tulad nga ng sinabi ko kanina, nasanay na kayo sa isa't isa. Maraming tatakbo sa isip mo pero susubukan mong manatiling kaibigan kayo, pero paano ka nga ba magsisimula uli kasama ang taong minsan kang niloko?

No comments:

Post a Comment