Thursday, December 6, 2018

Day 340: Pahinga


Magpahinga ka muna, wag mo muna kalabanin ang agos ng mundo. Hayaan mo muna siyang kumilos ng wala ikaw. Namnamin mo muna lahat ng takipsilim at bilangin mo ang lahat ng bituin sa langit. Magpasakop ka muna sa liwanag na masyado mong binalewala dahil sa dilim ng mundo ay nalunod ka na. Hinay hinay ka muna, hindi lahat ng pangarap mo ay matutupad mo sa ngayon. Lahat sila ay kailangan ng oras at para umusad ka ay pahinga ka muna. Hindi mauubos ang oras mo kaya pahinga ka lang alam kong pagod ka na.

Tingnan mo na lang muna ang mga bagay sa paligid mo. Baka nakalimutan mo na ang ganda ng mundo dahil sa sobrang tutok mo sa pag aaral o trabaho. Kalma lang, baka nabalewala mo na mga kaibigan mo at mga taong nagmamahal sayo sa gigil mong umusad. Hindi karera ang buhay, lahat tayo uunlad. Kaya magpahinga ka muna, tama na ang paghahabol.

Alam mo na patutunguhan nito di ba? Wag mo muna siyang habulin, hayaan mo muna siya sa buhay niya. Di ka ba napapagod sa paghahabol sa taong iba naman ang hinahabol? Hindi ikaw ang gusto niya kaya tanggapin mo na, tigilan mo na. Alam ko sinabi ko na magpahinga ka sa ilang bagay pero kapag wala na, wala naman masamang sukuan mo. 

Yan ang hirap sating mga tao eh, sobrang pagnanais natin ng tagumpay nauuwi tayo sa mga bagay na hindi naman talaga satin. Iba ang itinadhana sa ipinilit. Gusto pa natin na nakakakuha ng papuri ng iba kaya lahat ay ibinase na lang sa panlabas ng anyo. Kaya kapag sinabi mo na may nobyo o nobya ka, hindi nila itatanong kung paano niya napapasaya ang mga araw na gusto mo na sumuko, paano ka niya napapatawa, paano mo nakikita ang mga bituin sa kaniyang mga mata o kaya kung paano ka gumising isang araw na naisip mong mahal mo na siya. Bagkus, unang itatanong ay "gwapo/ maganda ba?" Na parang ang batayan na lang ng lahat ay kung anong nakakapag paligaya sa mga mata at hindi sa itinitibok ng puso.

Kaya sa mundong mapanghusga at hindi na tumigil sa pagsasalita ay tumigil ka muna dahil alam kong nakakapagod sila. Pahinga muna, tsaka na ang laban.

No comments:

Post a Comment