Saturday, December 29, 2018

Day 363: Plot Twist

Patapos na ang taon pero marami pa rin ang nagiintay ng plot twist. Pero ang totoo naman sa mga nagiintay ng plot twist ay hindi sila humahanap ng bagong karanasan o taong makikilala. Bagkus, ang hinahangad nila ay masagot sa paraan na sang ayon sa kanila ang tanong na: "Baka naman pwede pa?"

Natapos ang taon at maraming nangyari. Maraming dumating pero alam naman natin na mas maraming nawala. Pwedeng gamit, alaala, ugali o mas malala... tao. Isang tao na akala mo habang buhay mong makakasama ay iniwan ka sa taon na ito. At parang bula na lang siyang nawala. Marahil niloko ka o gumising siya ng isang araw na hindi na siya interesado sayo pero ang malinaw ngayon, ay wala na talaga siya sa buhay mo.

Kaya ang nangyayari ngayon gusto mong umusad na sa bagong taon pero gusto mo sana makasama siya sa huling pagkakataon. Nakakatawa na ang plot twist ngayon ay mas umikot na sa ganung konsepto. Hindi naman talaga tayo nag momove on sa mga bagay bagay, natututo lang tayo libangin ang sarili natin sa iba. Kaya ngayon na patapos ang taon, wala ng ibang inintay kundi yung bagay na nawala ay bumalik.

Alam ko na masarap maibalik ang tamis ng kahapon pero iba nag ligaya na pwedeng ibigay ng kinabukasan. Palagi tayong "ibalik ang nakaraan" hindi ba pwedeng mangarap naman tayo ng bago? Simula na tayo uli sa bagong taon na may mga bagong alaala. Ibaon sa limot ang mga dapat kalimutan at ibaon sa puso ang karapatdapat pangalagaan. Di natin kailang ng plot twist, kailangan natin maging positibo higit sa lahat.

No comments:

Post a Comment