Monday, December 17, 2018

Day 351: Minsan...

Minsan nakakalimutan natin na tingnan ang sarili natin. Natitingnan lang natin siya kapag tayo na yung biktima, naiwan o kawawa. Pero madalas natin pansinin nga naman yung nasa ibang tao kaysa nasa sarili natin. Para bang ang hirap lunukin ang pride na aminin na may mali tayo. Ayun ang mahirap eh, kapag sugatan tayo ang tingin natin sa sarili ay nakakaawa at walang ginawa kahit sa simula naman eh tayo naman ang gumawa ng sugat na yun sa sarili natin. Para bang may comfort sa paghahanap ng sisisihin. Kaya yung iba ay tumanda na ng tumanda pero di na umunlad ang pagkatao.

Ganyan din tayo pag nagmamahal eh, lahat tayo makasarili, gusto natin atin lang at tama naman yun. Pero may manipis na linya sa pagitan ng nagpapahalaga at nananakal. Kasi pwede mong ilaban na masaya ka sa kaniya, pero ang tanong masaya ba siya sayo? Baka naman kasi minsan sobra ka na sa mga bawal, eh wala na sa katwiran. Baka naman alam mo nang ayaw na niya nun gagawin mo pa. Minsan gusto mo pa layuan niya kaibigan niya at piliin ka niya sa lahat ng pagkakataon. Di mo alam na sa takot mong mawala siya eh nasasakal na pala kaya sa paghawak mo nang mahigpit ay itinutulak mo na palayo.

Kaya matuto sana tayong kapain ang damdamin ng iba bago ang sarili, Walang masama sa pagiingat pero tingnan muna kung ukol pa ba. At minsan isipin mo muna ano bang meron sayo bago ka manisi ng iba. Madaling sabihin sa mundo na mabait ka pero sa mata kaya ng iba ganun pa rin kaya? 

No comments:

Post a Comment