Saturday, February 17, 2018

Day 48: Sapat Sa apat


Apat na taon, bago magbunga ang puno ng rambutan
Apat na taon, Bago sumibol ang sampaguita
Apat na taon, Nagbunga na ang rambutan at sumibol ang sampaguita
Apat na taon, bago pumatak ang abentenuwebe ng pebrero
Apat na taon, may nagbago nga ba?


Pipiliin kita sa libu libong kababaihan
Pero di mo ako pinili sa aming dalawa
Tinanggap kita sa daan daan mong kasalanan
Ngunit sa aking isa, ako’y iniwasan mo na
Pero alam mo ang nakakatawa? Babalikan pa rin kita

Hindi ba parang napuri kita masyado 
Sabi mo hindi tayo tao, bagay tayo, pwes hayop ka
pero paumanhin
pwede ngang bagay tayo, hayop ang panahon
At sadyang mga tao lang tayo

Pero kung isang bagay man ang tumatak sakin
yun ang mga kasinungalingan mo
diba mahilig ka mambaligtad
ngayon gagawin ko naman sayo

ang BINUO kong kumpiyansa ay BINASAG mong tuluyan
Nilagay kita sa MABUTING KAMAY pero SINAMANG palad ako sayo
Bakit kung anong ITINALAS ng dila mo ay siyang IPINUROL ng utak mo
sa mga panahon na tayo ay NAGTATALO ikaw lagi ang PANALO
Sa PAGANGAT ko sa iyo ay siya namang IKINABAGSAK ko
hindi ko alam MALI  ba na minsan ay TINAMAAN ako sayo

Mga pangako ko na ITINAGA SA BATO ay tinapon mong tuluyan
sarap mong BATUHIN NG ITAK
ipinangako ko sayo ang LANGIT pero bakit sa IMPIYERNO ako napdpad
ITINULAK mo ko palayo sabay HINATAK upang saktan muli
di ko alam kung may TAMA ka ba dahil MALI na ang nakikita ko
di ko matanggap na sa kung anong INIT ng pagtanggap ko sa iyo
ay siyang LAMIG ng mga pahaging mo

siguro mabuting tapusin na ang away na DILAW at PULA
at PAKAWALAN ko na ang minsan kong PINANGHAWAKAN
lagi akong TUMUTUPAD pero bakit ako NAPAPAKO?
di na mahalaga si ang ANGHEL at DEMONYO
MALIWANAG ang mga salita ko wag mo na intayin MAGDILIM paningin ko

Pero alam ko na hindi sapat ipatikim sayo ang sarili mong gamot
kaya mula ngayon aalisin kita sa buhay ko
kung nilaro ko ang salita kanina uulitin ko
aalisin ko na ang "L" sa buhay ko

Nang nakilala kita akala ko problema ko'y LUTAS
ngunit sa pagtagal ako sayo'y UTAS
gumulo ang isip ko at nabansagang BAKLA
nang pinuno mo isip ko ng tanong na BAKA
dahil sayo kinailangan ko ng SALAMIN
dahil SA AMIN lumabo ka sa paningin
oo nag iba ka, naging LATA ka na walang laman
na pag tinanong ang sagot ay puro ATA lang naman
Tingin sakin lagi ay TALO ng mga TAO salamat sa iyo
ang pait sa aking labi ay LUMALASA
habang patuloy akong UMAASA

Pero sa kabila ng lahat salamat pa rin sa iyo
dahil minsan kang naging kaibigan at karamay ko
masakit man na dito tayo dinala
ng mapagbirong tadhana
Kaya sa huli ito ang aking dadalhin
kahit ang pusong sugatan, natapakan at niluraan
ay tumitibok pa rin

Sa apat na taon ako ay umaangal
Masakit man pero andyan na
ang sakit na natanggap
Ay sapat na sa apat

No comments:

Post a Comment