Thursday, June 7, 2018

Day 158: Pag umulan sa Calamba

Pag luha ng langit sa calamba
ay kasabay ng pagtraffic ng kalsada
kasabay sa pagtambak ng basura
kasabay sa pag iintay ng suspension ng mga bata

lumilinis ang mga bubong
pati ang letseng trapik ay usad pagong
kasabay ng pagluha ng mga ulap
pag itim na ng alapaap

tumatahimik ang mga asong kumakahol
at marami ang na tatrap sa mall
peor pag commute ay hindi ka maiinip
dahil lagi namang siksikan na ang jeep

mga taong pupunta lang sa kanto
ay mag jijeep pa kuno
kaya ang mga nagmamadali para sa trabaho
ay umiinit na ang ulo

dapat malamig ngunit hindi
dahil sabay singaw naman ng lupa
at eto pa ang matindi
amoy na amoy pa ang ihi ng daga

umaagos ang mga basura sa estero
habang ang mga ginagawang bahay ay humihinto
ang mga nasa may ibaba na lugar sa amin
"wag bumaha sana" ang panalangin

pag umulan sa calamba ay labasan ang mga payong
na may bulaklak, libre sa kotse o galing ng Avon
sabay sa galak ng mga batang kalye
na pagkatapos maglaro sa ulan eh, sisipunin sa gabi

may mga panahon na mas malakas ang ulan
tipong akala mo na wala na itong hangganan
may panahon pa na sasabayan ng kulog
kaya gising ang iba at ang iba ay hindi makatulog

sabay sa pagulan sa calamba ang pangamba
na maputol ang mga cable at linya
ng kuryente na magsasanhi
ng brownout na sumasakto sa gabi

isa pang nakakatawa pag umulan sa calamba
ay pagkakataon na mawawala ang tubig ng NAWASA
tipong wala kang pampaligo
kahit langit na nagbibigay ng tubig para sayo

noong ako ay bata
akala ko ang langit ay lumuluha
kapag nasaktan na ng masyadong liwanag
hanggang binigyan ako ng agham na paliwanag

hindi ko mabilang ilang beses
sa ulan ako ay nagdiwang at nainis
oo minsan nasususpend ang klase
minsan ang tingin ay mga isda na kami

pag umulan sa calamba ay nagaabangan
na ang aking pamilya sa balita
kung may paparating na bagyo ba
ngunit laman ng balita ay puro pulitika

ngunit kapag tumagal na ang pag ulan
ay lumalamig na sa calamba
nakahanda na ang mainit nasa tasa
ng kape o tsokolate kahit tanghali na

hindi ko naranasan maligo sa ulan
sapagkat ako ay papagalitan
baka raw ako magkasakit
sa pag bagsak ng luha ng langit

kasabay sa pagbagsak ng ulan
ay mga ala alang nakalimutan
sa loob ng mga kabahayan
ay mga taong iba iba ang talakayan

minsan sumabay ang ulan ng calamba
sa oras na ako ay nagdurugo pa
sinabayan ako lumuha ng langit
habang sinasapawan nito ang ingay ng sakit

pag luha ng langit ay hindi humupa
ang mga luha na nagingilid saking mga mata
akala ko na ang ulan na ako ay dinamayan
iniwan din ako ng siya ay nakatahan

sa pag tila ng ulan ay luminis ang daan
habang ang mga tao ay nagsisigalakan
natapos na ang pag ulan ng calamba
habang ang aking mga luha ay hindi pa humuhupa


No comments:

Post a Comment