Wednesday, January 3, 2024

Day 3 of 366: Ito na ba yun?


Katatapos lamang ng putukan
Sariwa pa ang amoy ng pulbura
Makalat pa ang kalsada
Ang bata ay naglipana
Hindi pa malamig ang hamon sa mesa
At naamoy ko pa ang handa
Sa labas ay nagtatawanan pa ang aking pamilya
Ngunit sa loob ng kwarto ko'y, may pangungulila

Dahil alam ko sa sarili ko
Pagkatapos ng mga kasiyahan na ito
Ay babalik na ako 
Sa reyalidad na tinatakasan ko
Hindi pwedeng habang buhay na bakasyon
Hindi pwedeng magsaya maghapon
Hindi naman titigil umikot ang mundo
Dahil lang sa nararamdaman ko

Dahil pumasok man ang bagong taon
Nanatili ang kalungkutan sa puso
Walang ingay na maaring gawin ang mundo
Na magpapatahimik ng mga boses sa aking ulo

May pakiramdam pa akong pangangamba
Dahil higit pa sa pangungulila
O kaya masidhing kalungkutan
Sa loob ko ang aking nadarama
Ay isang malawak at madilim na wala

Wala akong maramdaman na kahit ano
Galak, lungkot, galit, o takot
Tumitingin ako sa mga daliri at palad ko
Tinutukoy kung totoo ba talaga ako

Dahil mamaya ako ay babangon
Tatayo at iikot sa maghapon
Uuwi pagkatapos magtrabaho
Sabay uulitin hanggang matapos ang taon

Hindi maalis sa aking isip kung ito na ba yun?
Ito na ba ang buhay na iikutan ko?
Naglalakad lamang sa ibabaw ng mundo
Sabay mawawala na parang walang nagbago

Sana'y mawala ang pakiramdam ng kawalan
Ang dilim at gulo ng isip ay maliwanagan
Siguro sa dulo ay mahahanap ko rin ang liwanag
Sa ngayon kailangan ko lang magpakatatag

No comments:

Post a Comment