Nung biglang natapos tayo noong Mayo
Mabigat ang pakiramdam ko
Bawat sulok ng dibdib ay may kirot
Inuunawa kung bakit naging ganito
Sa kagustuhan kong maging tama lahat
Lalo lamang ako nagkalat
Kaya hindi kita masisisi
Kung sa akin ikaw ay hindi na nawili
Tanggap ko naman at ako ay umuusad
Saglit na panahon, tunay naman ang naramdaman
Maraming pagkakataon na hiniling ko sana ay iba
Pero siguro kahit ano pa, magwawakas ang hindi itinadhana
Kaya unti unti, damdamin isinantabi
Araw araw binabaon sa aking isip
Na hindi ako ang pinili
Hanggang sa matanggap ko ito sa aking sarili
Ngunit masakit ang tadhana magbiro
Tila pinaglalaruan ang naghihilom na puso
Sa panahong tanggap ko na wala na talaga
Ay panahon na muli kitang nakita
Nabuhayan ng loob at nagpasalamat sa diyos
Isinumpa na sa pangalawang pagkakataon ay magaayos
Aayusin ko kung saan ako nagkamali
Baka sakaling ngayon ay mapili
Ngunit pansin ko na ikaw ay ilag
Sa aking presensya ay naiilang
Nagipon ng lakas loob upang makipag usap
Hanggang aking tanggapin na di ko tadhana ang kaharap
Ang sakin lang sana tadhana
Hindi mo na sana siya muli ipinakita
Kung hindi mo rin pagbibigyan ang damdamin
Kung hindi rin naman siya magiging akin
Sabay nabasag ang aking ilusyon
Pinagtagpo kami sa pangalawang pagkakataon
Hindi para sa wakas ay magtipon
Ngunit para tuluyang isarado ang kahapon
No comments:
Post a Comment