Wednesday, January 31, 2024

Day 31 of 366: Unang tapos ng Buwan sa Taon


At patapos na ang unang buwan ng taon
Nairaos naman any bawat pagkakataon
Mga bagay na dudurog sakin noon
Hindi na ko naaapektuhan ngayon

Mga tahol sa paligid noon ako'y rindi
Ngayon hindi ko na sila iniintindi
Sa ilang hingang malalim
Ay aking natatahimik ang isip

Tuloy lamang ako at walang hinto
Hindi titigil anumang komento
Hindi na mangingilag sa tao
Maglalakbay akong dire diretso 

Tuesday, January 30, 2024

Day 30 of 366: It wasn't timing

It wasn't timing 
It's not the twist of fate
You were never gonna choose me
Regardless of the time and circumstances we met
It was doomed to fail
Even with my best efforts
Because I need to live with the fact
That you just didn't like me that much

Day 29 of 366: Internet was down



Yesterday, there was no internet
It came back pretty late
I only knew because if the messages sent
It was sent by 2:00 am

It worked well for me, I got my sleep
Maybe a bit too much, it was deep
There I woke up at 4:00am
Feeling that my stomach gurgling

So I went to the bathroom early morning
Emptying my stomach
But then I couldn't sleep
So I decide to think

The in my thoughts, I drowned 
In my head fear endowed
So for a bit I worked out
Then my fears clouded out

It is one of the nights I won't remember
So here is a picture of a burger

Sunday, January 28, 2024

Day 28 of 366: Kaninong pusa to


Kanino tong pusang to
Basta lang siya pumatong sa oto
Ito rin yung pusa na kumukutkot ng sako
Tapos palaging gumagalit sa aming aso

Ilang araw ko na siya nakikita
Parang siya pa may ari ng bahay umasta
Pag nagtatapon nga kami ng isda
Tila kami ay susunggaban pa

Mukha pala siyang mabait sa kuha kong to
Akala mo kung sinong maamo
Hindi ko alam ano pa sasabihin ko
Kanino bang pusa to 

Saturday, January 27, 2024

Day 27 of 366: Pier


Sa lugar na akala ko makikita kita uli
Mabilis ako bunyahe at di nag atubili
Hindi ko inisip paano ang byahe pauwi
Basta hiniling ko na makita kita muli

Pagsakay ng barko, mabilis tumibok ang puso
At nagbakasakali na ikaw ay makatabi
Bawat habay ay sinilip
Bakasakaling parehas tayong dadako

Bumyahe ang barko, nang di ka nakikita
At sinulit na lang ang byahe sa payapang dagat
Ilang oras din bago natapos ang byahe
Pero walang oras na hindi kita inisip

Nasa pier na ko sa wakas
Inunat ang paa agad paglabas
Habang ako ay lumilingon lingon
Naalala ko mga nangyari noon

Kaya kasabay ng pagbaba ng barko
Ay pagbitaw sa aking nararamdaman
Sa pagbalik at alis sa Mindoro
Bagong kabanata ang sisimulan



Friday, January 26, 2024

Day 26 of 366: Natapos ang isang linggo




At natapos muli ang isang linggo
Dama ang bigat ng mundo
Muli nalulunod ang isip
Habang lumalabo ang paligid

Marahil pagod ay nadarama na
Balikat ay bumibigat na
Katawa'y humihingi na ng pahinga
Dibdib kakaisip ay sumisikip pa

Pero nakalipas na rin ang isang linggo
Nakalabas nang buhay hanggang dulo
Maraming luha ang tumulo
Matiwasay namang naisulong

Makakaramdam na sana ko nang tuwa
At isang linggo na naman ako nakawala
Ngumit pasok bigla sakin isipan
Ika apat na buwan ng Enero pa lang

Thursday, January 25, 2024

Day 25 of 366: Jeepney




Usad mabagal, mahabang lakbayin
Sa langit malapit na ang takipsilim
Dumadampi sakin malamig na hangin
Habang maraming bagay ang iniisip

Naalala ko pa mga sakay ko sa jeepney
Laging kasama ang magulang at kapatid
Tito ko na pinakamalapit
At mga kaibigan na minsa'y kadikit

Minsan kasama pa ang huli kong nobya
Na ngayon ay nawala na 
Mga munting alaala
Na bumabalik sa tuwing jeep ay makikita

Kaya naman nakakalungkot
Na ilang araw na lang silang makikita ko
Ang minsang hari nang lansangan
Ay marahil hindi ko na masasakyan

Ngayong nakaupo sa harapan
Side mirror ay aking pinagmamasdan
Habang ang traffic ay pilit kinakalimutan
Kaunting beses ko na lang to mararanasan

Wednesday, January 24, 2024

Day 24 of 366: Bakanteng isip




Ayokong nababakante ang aking isip
Dahil mabilis ang hangin magbago ng ihip
Kung ano ano ang nabubuo sa imahinasyon
Na malabo ang pagkakaiba ng totoo sa ilusyon

Pilit pinapagod ang katawan
Utak ay ayaw makaramdam nang kawalan
Dahil anuman ang mangyari sa mundo
Kalaban ko pa rin ang sarili ko

Bawat kirot, tusok, at pulikat
Ay hindi ko na iniinda bagama't
Masakit sila sa katawan
Nawawala isip ko sa kasalukuyan

Tuesday, January 23, 2024

Day 23 of 366: Madulas at mahulog




Bago madulas at mahulog
Bago isuko nang buong buo
Mabuti munang sigurado
Kung parehas nararamdaman nyo

Dahil sa lugar na walang tao
Kaninong mukha ang hahanapin mo
Sinong alam mong hindi mo makikita
Pero sa gilid ng mata ikaw ay umaasa

Sa sahig na salamapakan
Sino ang nanaisin mong kayakapan
Sa magulong mundo na nagugunaw
Sinong ituturing mong katahimikan

Kaya't bago iwagayway ang puting bandila
At damdamin ay isukong tuluyan 
Baka ikaw lang hindi nakakakita
Nang mga watawat na pula

Monday, January 22, 2024

Day 22 of 366: Paulit ulit


Bilang tao na maraming batbat at satsat
Madalas ang aking dada ay palpal palpak
Pilit hasain ang isip, kaskas
Buhol ang salita sakin tila tastas

Madami nagsasabi ako ay paulit ulit
Kaya kausap ay litong lito, mensahe ay kumpol kumpol
Pag nautal putol putol
Pag ayos na, salita'y sunod sunod

Araw araw mga nasa isip ko'y sabay sabay
Naiistorbo sa maliliit na bagay bagay
Tulad ng mga linyang hindi pantay pantay
O kaya mga lampas na kulay kulay

Araw araw ay naging buwan buwan
Buwan buwan ay naging taon taon
Gasgas na isip at di matino tino
Hanggang sa sariling isip nabilanggo

Piraso sa sarili ay kulang kulang
Pilit pilit binubuo 
Tatahakin pa ay malayo layo
Pero mas maayos na unti unti kaysa walang wala

Sunday, January 21, 2024

Day 21 of 366: Brgy. Paciano Rizal



Lumabas ako ng bahay kanina
At pinagmasdan lang ang kapaligiran
Mahigit na sa dalawang dekada
Ang aking pananatili dito sa aming komunidad
Pero bawat sulyap ko rito at ibang iba
May mga gusali na ngayon lang umusbong
Kalsada na maayos na at hindi bako bako
Malayo sa lugar na kinalakihan ko
May mga gusali na nawala
At mga bagong tayong terminal
Mabilis lumipas ang dalawamput apat na taon

Kahit mga tao ay bago sa paningin
Mga bagong mukha na kikilalanin
May mga matanda na sakin lagi bumabati
At mga bata na noon ay nakangiti
Para nga akong nasa ibang lugar
Dahil maraming bagay na ang hindi pamilyar
Sa paglipas ng panahon
Iba na talaga ang Paciano na kinalakihan ko

Saturday, January 20, 2024

Day 20 of 366: Nanood ako ng sine kanina



Kanina hindi muna ako nag isip
At pinili ko munang unahin ang sarili
Mag isa akong nanood ng sine
At kinalimutan muna ang mga iniisip

Nanood ako ng pelikulang nakakatawa
Upang ng isip at hindi masyado maabala
Nanood lang ako upang makapahinga
At sinulit ang binayad

Nagalak naman ako sa aking ginawa
At aking uulitin sa tuwina
Mga munting pagkakataon
Na nanakawin para sa sarili mula ngayon

Friday, January 19, 2024

Day 19 of 366: Wala na ang "L"


Ang pait at LUMALASA
Sa loob ng taong UMAASA
Tama nga ang ika ng matatanda
Kung sino ang mas nagmahal sa dulo
Siya pa ang madalas TALO
Isang sumpa ng pagiging TAO

Pinilit naman na ikaw ay malimot 
Ngunit ang aking isip ay puno nang LIKOT
Kaya paulit ulit sa aking isip ang pag IKOT
Isinigal ang puso na gawa sa BAKAL
Binalewala lahat ng pagdududa
At pinuno ng optimismo ang salitang BAKA

Ngunit sa isang iglap pag asa'y na WALIS
Masyado nagpadala sa iilang pagkakataong matamis
Akala'y matalino hindi naging WAIS
Ang natitirang piraso ay pinilit LIPUNIN
Tinakwil muna na ang negatibong isipin
Hanggang ang tapang ay kaya nang ipunin
At aminin sa sarili
Na hindi kami sa huli

Kaya't sa pag bato ng barya sa BALON
Iilang bagay ang sa isip ko naka BAON
Bagama't ang isip ay may TALAS
Sa tadhana'y walang takas
Ipapaubaya mo na lamang sa TAAS
Kahit nga ang intensyon mo ay MALINIS
Minsan sa sobra ay posible siyang MAINIS

Malamng malabo ang kahulugan ng tula
Dahil kalat ang isip ng manunulat
Ang isang bagay na akala niya'y kaniyang hawak
Ay madaling dumulas sa kaniyang palad

Kahit siya ay lumuha ng LAWA
Walang makakaramdam sa kaniya ng AWA
Hihilingin na lang niya na sana ang KAPALIT
Na darating sa buhay niya ay hindi na ganito KAPAIT

Thursday, January 18, 2024

Day 18 of 366: Hindi ka mahirap mahalin


Kung sino man ang sayo'y nagsabi 
Na mahirap kang mahalin
Ay malamang ng hindi marunong magmahal
O kaya sa kanya'y walang nagtatagal

Malamang hindi niya natutunan
Paano yakapin ang nararamdaman
Paano maging paksa ng pag ibig
Na nag iisang pinipintig

Dahil kilala kita
Matagal bago nakilala
Pero kilala kita
Na hiling ko sana'y noon pa

Siguro hindi mo alam ang iyong itsura
Kapag lumiliwanag ang iyong mukha
Kung gaano katamis ang pagkurba ng iyong labi
At gaano kalamig ang iyong himig

Sana lamang ay matutuhan mong mahalin
Ang taong nasa harap ng salamin
Nawa'y mahalin mo siyang buo
Tulad ng pagmamahal na binibigay mo sa mundo

Alam mo kung paano ko nasabi
Na hindi ka mahirap mahalin
Kahit ano pang sinasabi nila?
Kasi hindi ako nahirapan

Wednesday, January 17, 2024

Day 17 of 366: Hindi umuusad


Andaming kong ginagawa 
Pero wala akong natatapos
Lumalakas lang ang mitsa
At unti unti akong nauubos

Nasusuka ako kakaisip
Lumalabo ang paligid
Umiikot ang sikmura
Braso'y nanghihina

Pakiramdam ay naliliyo
Paglalakad ko'y walang direksyon
Habang trabaho'y tumatambak
Katawa'y unti unting bumabagsak

Hakbang ng hakbang 
Na hindi alam ang pupuntahan
Kung may liwanag sa dulo ng daan
Ilang hakbang pa ang kailangan?

Tuesday, January 16, 2024

Day 16 of 366: Akala ko may kahulugan


Nung biglang natapos tayo noong Mayo
Mabigat ang pakiramdam ko 
Bawat sulok ng dibdib ay may kirot
Inuunawa kung bakit naging ganito

Sa kagustuhan kong maging tama lahat
Lalo lamang ako nagkalat
Kaya hindi kita masisisi
Kung sa akin ikaw ay hindi na nawili

Tanggap ko naman at ako ay umuusad
Saglit na panahon, tunay naman ang naramdaman
Maraming pagkakataon na hiniling ko sana ay iba
Pero siguro kahit ano pa, magwawakas ang hindi itinadhana

Kaya unti unti, damdamin isinantabi
Araw araw binabaon sa aking isip 
Na hindi ako ang pinili
Hanggang sa matanggap ko ito sa aking sarili

Ngunit masakit ang tadhana magbiro
Tila pinaglalaruan ang naghihilom na puso
Sa panahong tanggap ko na wala na talaga
Ay panahon na muli kitang nakita

Nabuhayan ng loob at nagpasalamat sa diyos
Isinumpa na sa pangalawang pagkakataon ay magaayos
Aayusin ko kung saan ako nagkamali
Baka sakaling ngayon ay mapili

Ngunit pansin ko na ikaw ay ilag
Sa aking presensya ay naiilang
Nagipon ng lakas loob upang makipag usap
Hanggang aking tanggapin na di ko tadhana ang kaharap

Ang sakin lang sana tadhana
Hindi mo na sana siya muli ipinakita
Kung hindi mo rin pagbibigyan ang damdamin
Kung hindi rin naman siya magiging akin

Sabay nabasag ang aking ilusyon
Pinagtagpo kami sa pangalawang pagkakataon
Hindi para sa wakas ay magtipon
Ngunit para tuluyang isarado ang kahapon

Monday, January 15, 2024

Day 15 of 366: Pakiramdam ng Wala


Kamakailan lamang ay wala akong maramdaman
Walang tanong na naghahanap nang kasagutan
Mga karayon sa aking katawan na hindi iniinda
Madalas sa maghapon, isip ko ay nawawala

Pagdating sa Agosto ako ay mag bebente singko
Edad na dapat alam ko na ang gusto ko
Pero ako ay ligaw madalas nalilito
At sa kawalan ko sa aking isip, ako'y naliliyo

Madalas kong isipin: "Ito na ba yun?"
Ang iniintay ko na mga ginintuang panahon?
Mga kaedaran ko sa buhay ay umuusad na
Samantalang ako ay hindi alam san nais pumunta

Natatakot ako sa totoo lang
Na ang ganitong buhay ay makasanayan
Gising, trabaho, byahe pauwi, sabay hapunan
Ligpit, ayos ng damit, youtube hanggang makatulugan

Hanggang ngayon naghahanap ako ng direksyon
Dahil pakiramdam ko ay patuloy lang umiikot
Bumabalik sa nakaraang tinakasan
Kaya't takot sa anong pwede ibigay ng kinabuksan

Siguro magiging maayos din lahat
Lilingon ako isang araw na maayos din ang kinahinatnan
Siguro sadyang natatakot lang ako sa mga hindi ko kontrol
Kahit minsan tumatahimik na sakin ang mga bulong

Ang mga araw na to ay balang araw kong babalikan
Titingnan, aalalahanin, at tatawanan
Ngunit ngayon yayakapin ko muna nag kalungkutan
Sabay ang paglutang ko sa kawalan

Sunday, January 14, 2024

Day 14 of 366: To my ex




As I grow and realize
All the mistakes I had
I could simply brush off what happened
But we can only run to such extent

It was great while it lasted
You gave me my many firsts
Although it could have properly ended
We can only do with what we have then

Looking back I was stupid
But I will not hide behind my youth
If I was a better man then
Who knew what we could have been

And now as I grow as a person
Looking back on life's every lesson
Realizing the things I could've done better
But I cannot lament on those forever

I still feel the shame of my younger years
As I wish I had been wiser
But thank you for everything
It was fun while it lasted

I would never brush off the experience
As we had our fair share of joy and laughter
Thank you for loving a version of me
Whom I thought was impossible to love


Saturday, January 13, 2024

Day 13 of 366: All into Place


Fear is no stranger to mine
It kept me safe all the time
It helps me predict the million possibilities
And here I am now, in crippling anxiety

I used to think I need everything in control
In every situation I'm in, I can't let go
All future scenarios are mapped in my head
And now I'm here, lying in dread

From there I grew suspicious and bitter
Thinking that things could not get better
Because despite knowing the worst case scenario
I have no means to prevent the impending doom

And sometimes things do work out in the end
I only made myself suffer in head
But there is no relief when reality is better than fantasy
Because in my mind I am already exhausted

In this constant cycle of thinking
Analyzing, briefing, and pattern searching
Then slowly in my thoughts I drown
And face this world, with a big ol' frown

Then slowly in my journey towards healing
I realize that the world is not only for beating
Yourself up for the things that might and didn't happen
It's how you live and value family and friends

No longer I will chase people who leave
I will never crave those who never valued me
I will focus on the ones I have
I will focus on those deserving of love

Then slowly I let go of the things
That simply did not work out for me
They were not meant to be had
Regardless hard I try

What is meant for me, will come for me
It will never excuse or slip my fingers
I just need to let things be
And wait while everything comes together

Friday, January 12, 2024

Day 12 of 366: Pag kausap ko ang pader minsan


Minsan hindi mo alam
Ano ba ang dapat maramdaman
Samu't saring pakiramdam
Mula sa mabigat papuntang magaan

Ako rin ay mga mga boses sa ulo
Madalas silang magbigay sakin  ng hilo
Lungkot at pagkabalisa
Hanggang isang araw, wala na sila

Unti unti ko na rin napapansin
Mas ngumingiti na ako sa harap ng salamin
Mas nais ko nang makaharap ang tao sa repleksyon
Na noon masama na ang iwas ko at paglingon

Sa paglalakbay ng pag usad
Unti unti kong natututunan
Kung paano mahalin ang sarili
Kahit minsan hindi ako sigurado sa dapat gawin

Kaya't ako'y alila ng alaala
Panahon na sana ako'y nag ayos na
Aminadong sa sarili ay nahihiya
Sa mga nakaraan kong nagawa

Ngunit sana ay hayaan akong umusad
At sa lahat ng nakabangga ako'y humingi na nang tawad
Nais kong tahakin ang mundo
Na hindi bitbit ang nakaraan ko

Hindi niyo alam gaano kabigat
Ang aking dinadala sapagkat
Mariin ko itong tinago maigi
Lahat ng sakit ay aking sinarili

Kaya aking pakakawalan ang nais umalis
Hindi ako mag mamakaawa o mag babahagi ng inis
Sa buhay ko bukas ang pintuan
Malaya kang pumasok at lumabas kailanpaman

Nasa burol pa rin ako ng damdamin
Ng mga kaibigang nawala sa akin
Ngunit hindi ko na sila maalala
Sa pag dating ng mga bagong kakilala

Alam ko sa sarili ko kung sino ako
Anong kapasidad ang kayang gawin ko
Sana lamang ako ay lubos na inunawa
Bago ako binigyan ng ng huling kahatulan

Uusad ako sa buhay ko ngayon
Nais ko na wag na kayong manggugulo
Sa paglalakbay ko ako't magiging makasarili
Dahil ako pa rin naman ito hanggang sa huli

Thursday, January 11, 2024

Day 11 of 366: Ano kaya ang pakiramdam?


Mahal ko ang pagsusulat
Pagtutugma at pagtatapat
Ng mga salitang may sari saring kahulugan
Bigyan buhay ang mundong nasa aking isipan

Ngunit hindi ko itatanggi
Na minsan ko ring hinihiling
Na meron saking nag iisip
Na ako naman ang tinatangi

Ano kaya ang pakiramdam?
Na ako naman ang sinusulatan
Ako yung maghapon nasa isip
Ako yung dumadalaw sa panaginip

Paano kaya kapag ako ang paksa
Nang mga sinusulat na tula
Ako ba ay mahihiya?
O ngingiti ng abot hanggang tenga

Kahit isang beses lang siguro
Sa limitado buhay natin sa mundo
Nais kong maging paksa
Nang isang umiibig na manunulat

Wednesday, January 10, 2024

Day 10 of 366: Bago matulog

 


Milyun milyong bagay ang pumapasok sa isip
Mga bagay na bitbit pa rin sa dibdib
Mga multo ng kahapon na hindi lumisan
Kahapon na hindi ko matatakasan

Nawa'y isang araw ako ay makatulog
Na ang isip ko ay hindi bugbog
Kakaisip ng mga bagay na gusto ko mangyari
Sa reyalidad na aking tinatangi

Bukas sana ay wala na ang sakit
Wala na rin ang tinatakasang pait
Isa lamang ang aking hiling
Na ako ay makatulog ng mahimbing

Tuesday, January 9, 2024

Day 9 of 366: Minsan, malamig



Pasmado ang kamay, pugto ang mata
May nakatuon sa balikat, umuugong ang tainga
Kamot sa ulo, tuon sa hita
Padyak sa ilalim ng mesa, bigat ng paa

Oras hindi alintana, pasado alas otso
Gusaling madilim, nag iisang nagtatrabaho
Maraming iniisip, nakadama ng inis
Nadama hampas ng hangin, nanlamig ang pawis

Mata ay nangingilid, balahibo'y tumatayo
Nagmamasid palihim, ayaw lumingon
Biglang nagitla, pusa lang pala
Mababaw na paghinga, puso sa lalamunan

Hindi na nagtapang tapangan
Dumiretso na sa labasan
Hindi na nag abalang lumingon
Hindi ko pala napatay ang aircon

Monday, January 8, 2024

Day 8 of 366: Pagbitaw



Mabigat ang pakiramdam sa aking puso
Sabay sikip ng aking dibdib
Milyun milyong bagay ang inisip
Bago ko piliin sarili ko

Napagtanto ko na hindi ko kayang habang buhay
Na sa iyo'y maghihintay
Kung hindi ka handa para sakin ngayon
Hindi ka handa para sakin sa kahit anumang panahon

Pilit kinumbinsi ang sarili
Inipon ang pagtitimpi 
Ngunit kailangan pakawalan
Ang hindi para sa akin nakalaan

Nais ko lang malaman mo
Na hindi madali umabot sa puntong ito
Sapagkat lahat ng binitawan ko
Ay may bakas pa ng mga daliri ko

Sunday, January 7, 2024

Day 7 of 366: Paglangoy



Hindi ako natuto lumangoy
Kahit nakatira ako sa archipelago
Mabilis natuto ang buong pamilya ko
Napag iwanan na nila ako

Hindi ko kayang pigilan ang aking paghinga
Sa ilalim ng tubig na higit sa sampung segundo
Mabigat ang pakiramdam ko kapag nasa tubig na
Tila ang buong katawan ko ay guguho

Pero ni minsan ay hindi ako natakot sa dagat
Hindi ako takot sa barkong tila babaliktad
Walang kaba akong nadarama sa tuwing malakas ang alon
Tila masaya pa nga ako kapag sumasayaw ang barko

Kahit alam ko sa aking kapasidad
Na hindi ako makakalaban 
Sa panahon na ako'y lumubog sa dagat
Ang kaba ay tila hindi ko nadarama

Kaya hindi ko alam kung ako ba ay matapang
O sadyang hunghang na nagmamaalam
O isang tao na sumuko na
Sa ibibigay sa kaniya ng tadhana

Saturday, January 6, 2024

Day 6 of 366: Saulo ko pa rin ang mga bagay tungkol sayo

Saulo ko pa rin ang mga bagay tungkol sayo
Paulit ulit ko pa rin pinakikinggan ang paborito mong kanta
Napapalingon pa rin ako sa mga paborito mong kainan
At hinahanap ko pa rin ang mga lugar na dapat nating pupuntahan

Nasa akin pa rin ang mga alaala
Mga iaalay ko pa dapat na tula
Nagigising pa rin ako sa oras na gising ka
At natutulog sa oras na alam kong tulog ka

Wala akong sinunog o tinapon
Lahat ng atin ay malugod kong tinago
Pinapanood ko pa rin ang mga paborito mong palabas
Umaasa na mapaguusapan natin sila bukas

Malinaw pa rin sakin ang listahan
Ng mga lugar na nais natin puntahan
Mga bagay na nais natin gawin magkasama
Mga planong naglaho na parang bula

Kaya siguro ako na lang ang gagawa
Nang mga bagay na pinlano nating dalawa
At hahanapin ko ang bawat piraso
Ng buhay na sana ay magkasama tayo

Friday, January 5, 2024

Day 5 of 366: Paano yakapin ang kasalukuyan?


Bawat Lunes, iniintay ko ang sabado
Bawat pasukan, iniintay ko ang bakasyon
Bawat pelikula iniintay ko lang ang katapusan
Bawat araw ay nagiintay lang ako ng uwian

Hindi ko lubos natutunan
Kung paano mamuhay sa kasalukuyan
Hanggang ngayon ay hindi ko nauunawaan
Paano hindi mamuhay sa kinabukasang inaasahan

Hindi naman sa minasama ko
Ang pag iintay sa kinabukasang hinihiling ko
Akin lamang napagtanto
Na nais ko rin magsaya sa kasalukuyang panahon

Kumbaga, paano yakapin ang bawat pagkakataon
Paano hindi madaliin masyado ang panahon
Ayoko dumating na pati sa araw na ako'y hihimlay
Meron pa rin akong hinihintay

Gusto kong mamuhay na hindi hinihintay ang bukas
Gusto kong lubos na matutunan
Kung paano yakapin ang bawat pagkakataong lumipas
Nais kong lumakad sa mundong ibabaw na hindi kalaban ang oras

Siguro isang araw akin ding matututunan
Paano mamuhay sa kasalukuyan
Para sana kahit sa konting saglit
Matahimik naman ang aking isip

Thursday, January 4, 2024

Day 4 of 366: Wala akong maisip



Wala akong maisip ngayon
Tila ako ay nabablangko
Wala namang ibang tumatakbo 
Sa isip ko, pero ako'y nalilito
Siguro malaking parte pa ng sarili ko
Ay hindi masaya sa pagkakataong to
Hindi pa tumatahimik ang mga boses sa ulo
Kapayapaan ay hindi pa sigurado
Bawat kilos ko ay nakanumero
Bawat mali ay nakadokumento
Hindi ko alam kailan matatapos ito
Habang buhay ko bang bitbit ito?
Kung may liwanag man sa dulo
Pwede ba pakisabi sakin ngayon?

Wednesday, January 3, 2024

Day 3 of 366: Ito na ba yun?


Katatapos lamang ng putukan
Sariwa pa ang amoy ng pulbura
Makalat pa ang kalsada
Ang bata ay naglipana
Hindi pa malamig ang hamon sa mesa
At naamoy ko pa ang handa
Sa labas ay nagtatawanan pa ang aking pamilya
Ngunit sa loob ng kwarto ko'y, may pangungulila

Dahil alam ko sa sarili ko
Pagkatapos ng mga kasiyahan na ito
Ay babalik na ako 
Sa reyalidad na tinatakasan ko
Hindi pwedeng habang buhay na bakasyon
Hindi pwedeng magsaya maghapon
Hindi naman titigil umikot ang mundo
Dahil lang sa nararamdaman ko

Dahil pumasok man ang bagong taon
Nanatili ang kalungkutan sa puso
Walang ingay na maaring gawin ang mundo
Na magpapatahimik ng mga boses sa aking ulo

May pakiramdam pa akong pangangamba
Dahil higit pa sa pangungulila
O kaya masidhing kalungkutan
Sa loob ko ang aking nadarama
Ay isang malawak at madilim na wala

Wala akong maramdaman na kahit ano
Galak, lungkot, galit, o takot
Tumitingin ako sa mga daliri at palad ko
Tinutukoy kung totoo ba talaga ako

Dahil mamaya ako ay babangon
Tatayo at iikot sa maghapon
Uuwi pagkatapos magtrabaho
Sabay uulitin hanggang matapos ang taon

Hindi maalis sa aking isip kung ito na ba yun?
Ito na ba ang buhay na iikutan ko?
Naglalakad lamang sa ibabaw ng mundo
Sabay mawawala na parang walang nagbago

Sana'y mawala ang pakiramdam ng kawalan
Ang dilim at gulo ng isip ay maliwanagan
Siguro sa dulo ay mahahanap ko rin ang liwanag
Sa ngayon kailangan ko lang magpakatatag

Tuesday, January 2, 2024

Day 2 of 366: Pagsuko sa tadhana

Sayong sayo na ang aking kinabukasan
At aking ibibigay na lamang ang makakayanan
Hindi ko na lalabanan ang nais mo
Ako'y sumusuko sa kalooban mo
Hindi na ako papalag
Kahit damdami'y mahabag
Ang ninanais ko romansa
Ay papakawalan ko na

Ibibigay ko na sayo ang susi
Ng aking buhay 
Basta't pagkaingatan mo mabuti
Hanggang sa araw na ako'y mahimlay
Hindi na ako papalag sa iyong nais
Anumang sakit at pighati ay handa akong tiisin
Magtitiwala na lamang ako sa iyo
Na mas alam mo anong kailangan ko

Dahil pagod na pagod na ko kalabanin ka
Hindi ako nanalo sayo miski isa
Sana lamang lahat ng para sakin
Ay dumating at manatili
Ang kinabukasan na aking hinahangad
Ay sana ibigay mo pa rin ng higit sa sapat

Ayoko na pilit kontrolin 
Ang mga bagay naman para sa akin
Kasabay sa pagsuko ko sa iyo
Ay tiwalang hindi ako papabayaan mo

Gagawin ko na lang ang aking makakaya
At malugod kong papakawalan ang wala na
Hindi na ko papalag sa hindi nakatakda
Basta ibigay mo sakin ang nakatalaga

Monday, January 1, 2024

Day 1 of 366: Happy New Year!

At sa muling pagbabago ng taon
Ay magbabakasakali na tayo sa mga bagong pagkakataon
Mga desisyon na hindi natin napagtanto
Paghiling na sa sarili natin tayo'y mas totoo

Kasabay ng pagpalit ng kalendaryo
Ay paglaya ng mga damdaming nabigo
At sa pagusad sa bagong panahon
Nawa'y mas maging mabait satin ang mundo

Mapait ang nangyari sa nakaraan
Mga bagay na hindi ninais o inaasahan
Mga bagay na nais nating iwanan
At wag na sanag babalik kailanpaman

Kaya sa bagong yugto ng ating kwento
Sa susunod ng kabanata nitong libro
Anuman sana nag piliin mo
Ay maging mabuti na sayo ang mundo