Hindi mo kayang pagsilbihan ang dalawang panginoon
isang kataga na nabasa ko sa bibliya noon
hindi ko agad pinaniwalaan, ayun ang aking tugon
ngayon ang mga katagang yan ang bumubulong sa akin ngayon
bilang isang bata, ako'y nangarap magbigay gabay
sa mga taong maiiwasan pang sa landas ay mawalay
kaya mula noon ako ay nagsikap, iniwan ang buhay mahirap
hawak ang pangarap, ibang buhay ang tinahak
at ayun nga ako ay naging titser, guro sa karamihan
umibig ngunit dahil sa propesyon ako'y iniwan
sakit ng iniwan, propesyon ang aking pinagbalingan
dumagdag pa ang sakit ng nagbunga ang pinagsamahan
mahirap maging guro at maging isang ina
hindi mo kayang maging mahusay sa isa
at hindi pumalpak sa kabila
akala mo ay tumatama ka na
biglang sasabog na lang sayong mukha
maraming buhay ang aking nahawakan
mga buhay at landas na bigyan ng tamang daan
may mga nagpasalamat at saki'y nagsibalikan
kita ko ang galak nila habang ako'y pinapasalamatan
mga matang nagiiyakan
dahil sa aking kahusayan
sila'y nasa maayos na pamumuhay
dahil sa minsan kong gabay
ngunit hindi nga lahat ay perpekto
dahil dumating na ang araw na kinatatakutan ko
dahil ang kaisa isang dahilan ng pagkabuhay ko
ay nawala sa landas na dapat ay itinuwid ko
ang kaisa isa kong anak, ang aking supling
ayusin mo ang buhay mo, yan ang tangi kong hiling
ngunit iyong isinagot ay isang mahinang iling
at munti kong supling may lima ng supling
lahat ng pangarap ko para sayo ay namatay
sa sakit na idinulot mo ako ay tumamlay
ang emosyon ko ay di ko alam san ilalagay
nang malaman kong iba iba pa ang kanilang tatay
anak, anak, anak, alam ko nagkamali ako
pero bakit humantong tayo sa ganito
paano ka naging mahinhin
bakit lumalaban sa aking damdamin
gusto kitang sisihin pero ang kasalanang to ay akin
patawad aking anak kung ako ay nagkulang
na ako na dapat mong ina ay hindi ka natutukan
bagkus ibang tao pa ang aking natulungan
na magkaroon ng maganda buhay habang ikaw ay naiwanan
nakakatawang isipin na ang mga pangalawa kong anak
ay may mas magandang buhay kumapara sa tunay kong anak
pero sa pagitan ng mali at tama at lamat
ako ay nagpapasalamat
salamat dahil nakita ko saan ako nagkamali
salamat dahil kita ko na kahit ako ay hindi
gumawa ng mali ay alam kong may mangyayaring mali
salamat dahil ngayon malinaw na ang aking pagkakaintindi
hindi mo kayang paikutin ang mundo
lalong hindi mo mapipigilan ito
dahil kung tatanungin mo kung nagsisisi ako
mailap ang sagot na oo
No comments:
Post a Comment