Friday, September 22, 2017

Pamahiin

Lumaki ako sa isang pamilya na puro mapamahiin. Sabi nila wala naman raw masama kung sumunod ka sa ilang paniniwala pero habang tumatanda ka mas naiisip mo gano ka naapektuhan ng mga yun at gano sila nakakatawa.

Maraming pamahiin ang pilipino lalo na sa pagkain. Kung katulad kita na lumaki ng malapit sa matatanda lalo na sa Lola, malamang naging set of rules na rin ang nga pamahiin na pag di mo nasunod ay buhay ang kapalit. Oo, ganun katindi ang mga Lola natin sa pagsunod ng pamahiin. Kung Hindi naman buhay, kinabukasan mo ang mawawala o kaya mamalasin ka.

Madalas sa isang pamilyang pilipino ang kumain ng sabay sabay pero kahit ang munting salo salo na ito ay di nakaligtas sa mga pamahiin. Kapag nagliligpit na raw ng pagkain tapos nakain ka pa rin, Hindi ka makakapag asawa. Kaya nasanay na kami na tatlong nguya sabay lunok sa pagkain sa takot naming mamatay mag isa.

Sa mga lalaki naman, Hindi dapat palipat lipat ng upuan habang nakain. Dahil dadami raw ang asawa mo. Oo, pag palipat lipat ka ng upuan habang nakain na pepredict ng Lola mo na magiging malandi ka.

Kasama sa pagkain ang mga kubyertos( kutsara at tinidor para sa di nakakaalam) pero Hindi ito nakaligtas sa mga pamahiin natin.
Pag may bumagsak raw na tinidor may darating na lalaki pag kutsara babae. Parang tukso naman minsan kasi nagkakatotoo ng madalas. Pero noong tumanda ako narealize ko na kaya nangyayari yun eh nagtitinda pala kami ng yelo. Hindi nalimitahan sa kutsara't tinidor ang pamahiin. Pag sandok ang nalaglag malaking babae raw, pag kutsilyo masamang tao o kaya kapitbahay na makikiusap makijumper o kaya manghihingi ng ulam. Pag may aalis naman daw ay ikutin ang Plato para hindi maaksidente ang aalis. Kapag may nangyaring masama sa taong yun at di mo inikot Plato mo, kasama yun sa konsensya mo. Oo, ikaw ang may gawa hindi yung mismong may katawan.

Pinakamatinding okasyon para sa pamahiin ay pag may lamay. Kayo man ang naulila o nakikape lang kayo sa kapitbahay dapat sumunod kayo sa pamahiin:

1. Bawal magsuot ng pula- di ko lubos naunawaan ito pero sinunod ko na lang. Naging kalbaryo ko ito dahil puro pula ang damit ko. Tsaka nagtataka ako bakit ang mga Chinese nakapula pag may burol. Pilipino talaga... Pauso ng color coding sa lamay.

2. Bawal maguwi ng kendi mula sa burol- naranasan ko ito dahil nasa ikalimang baitang ako noon ng ibinurol lolo ko. Tapos naguwi ako ng tatlong champi at maxx. Kinabukasan nilagnat ako. Napagalitan pa ko ng Nanay ko. Kahit di raw kendi, basta kahit anong galing sa burol masama. Patunay na may mga taong kahit sumakabilang buhay na eh madamot pa rin.

3. "Magpagpag" - yung pagpag ay pagpunta sa ibang lugar bago umuwi galing lamay para di ka sundan ng kaluluwa. Oo, parang pusang ligaw mo na iiwan sa kung saan ang sumunod sayong kaluluwa. Kaya mainam na mag jollibee pagkatapos pumuntang burol.

4. Bawal bumahing pag patay- kabaliktaran ito ng nauna. Kung doon ay susundan ka ng kaluluwa, pag bumahing ka naman ay ikaw ang susunod sa kaluluwa. Oo, ganun talaga. Pag bumahing ka sa burol ay may ekis na ang pangalan mo Kay kamatayan.

Marami pang pamahiin sa patay pero di ko na iisa isahin. Bahala ka na alamin yun sa sarili mo.

Punta naman tayo sa nunal. Ayun ang isang bagay pa na di pinalampas ng mga matatanda. Bawat nunal sa katawan ay may kahulugan.

Pag may nunal ka sa palad maaaring magnanakaw ka o kaya gastador. Oo, pwede ka makulong sa pagkakaron ng nunal sa palad.

Pag may nunal ka sa paa, layas ka naman daw. Kahit di ka lumalabas ng bahay masyado at ang araw araw mo ay bahay eskwelahan lang basta may nunal ka sa paa, gala ka.

Ang nunal naman sa likod ay ibig sabihin batugan ka. Kahit baluktot na likod mo sa kakatrabaho basta may nunal ka sa likod. Tamad ka.

Pag nunal naman sa balikat ay magdudusa ka sa buong buhay mo. Tipong kahit masaya ka dapat magdusa ka kasi may nunal ka sa balikat.

Tapos Hindi ko rin maintindihan bakit takot na takot ang matatanda mawalan ng swerte. Pag nagsuklay ka sa gabi, mamalasin ka. Pag nag walis ka sa gabi, mamalasin ka. Lalo na pag nag gupit ka ng kuko sa gabi. Mamalasin ka. Kahit yung tipong kulay kahoy na kuko po at singhaba na ng kuko ng agila eh Bawal gupitin. Ipagpaumaga mo na.

Pag semana Santa na lalo kapag biyernes santo ay Bawal ka masugatan dahil di na gagaling. Pag nagkasugat ka ng biyernes Santo ay habang buhay mong dadalhin ang sugat na maiisip mo na sana nag ingat ka na lang. Ayos sa agham ay may natural way ang cells natin para maghilom ang mga sugat pero ayon sa pamahiin hindi uubra ang logic na to kapag biyernes Santo.

Maraming pamahiin sa pilipinas na pipigilan ka gumawa ng ilang bagay. Pero minsan para sayo na lang naman yun eh. Pero hindi ko maintindihan bakit Bawal maligo ng semana Santa. Isang linggo kang Amoy mandirigma at nanlalagkit. May mga research na dapat daw 4 times a week lang tayo maligo. Pero kung nakatira ka sa pilipinas hindi pasok yung logic na yun. Maawa naman kayo sa makakatabi niyo sa jeep, tricycle, sa klase, opisina at kung saan pa.

Bawal din mag ayos bago matulog. Ika nga eh, de bale ng marumi at mabaho kaysa patay

Maraming pamahiin tayong mga pilipino. Kaakibat na ito ng kultura natin. Walang masama sundin ito pero nakikiusap akong maligo kayo araw araw.

No comments:

Post a Comment