Bilang lumaking panganay
Laging lider ako nasanay
Bawat kapatid ay tinitingnan
Nililingon bawat pinsan
Palaging nag aalala na kaibigan
Kahit mabilis nila akong iwan
Kahit nga biglaan
Ay pinagsisikapan
Tumayong padre de pamilya
Sinisikap lipunin
Ang mga piyesang naiwan sakin
At higit pinapangalagaan
Sinumang mahalaga
Kahit sa trabaho ganito ako
Masinsin sa bawat proyekto
Kinakausap ang bawat tao
Nang may ngiti sa mukha
Kahit bakas sa nginig ng kamay
Na wala na akong maibibigay
Kumbaga sa bawat aspeto
Na dumaan sa buhay ko
Mariin kong tinututukan
Inaalagaan, at pinapahalagahan
Wala akong reklamo, totoo
Hindi lang mawala isipin ko
Minsa kaya, paano naman ako?
Kasi minsan gusto ko rin
Ako naman ang lilingunin
Ako naman sana muna
Ang magpipira piraso
At kayo muna manatiling buo
Sana man lang merong sumalo
Kapag ako ang binagsakan ng mundo
Ako naman sana ang kamustahin
Kung kaya ko pa ba
At ako naman ang kalingain
Dahil hindi ko na kaya
Isang araw lang naman
Isang araw na hindi ako, ako
Isang araw na ako naman ang aalagaan
Ako naman ang lilingunin
Ako muna hindi gagamit ng utak
Wala akong reklamo
Sa mga responsibilidad ko
Mariin ko silang niyakap
Ang akin lamang sana
Sakin naman may kumalinga
Kahit paminsan minsan.