Monday, September 5, 2022

Kababaihan, sa lente ng pelikulang pilipino

Para sa isang kultura na tinitingnan ang nanay bilang “ilaw ng tahanan” bakit tila hirap na hirap tayo tingnan ang kababaihan bilang isang buong indibidwal na kayang hubugin ang kanyang sarili na hindi kailangan ng lalaki? Bakit natin hinihiya ang mga single mother na kumakayod habang nag aalaga ng anak at pinapalakpakan ang lalaki na nawala na lang pero nagbibigay ng kakarampot na sustento? Sa salita nga ni Vilma Santos-Recto sa kanyang pelikula na Anak (2000) “Bakit ganon? Ang lalaki kapag binigyan niya ang pamilya niya ng pagkain, damit... agad sasabihin ng mga tao, 'Aba, mahusay siyang ama!' Pero kapag babae ka, kahit ibinigay mo na ang lahat ng yon sa mga anak mo, kasama pa pati puso mo, pati kaluluwa mo, parang hindi pa rin sapat na tawagin kang mabuting ina." Saan ba nagmumula ang pangmamaliit natin sa ating kababaihan?

Kung tutuusin at babalik tayo sa sinaunang panahon ng ating mga ninuno, ang babae ay pantay o kaya minsan ay higit pa sa kalalakihan. Ang isang babae, kahit ang pangkaraniwang mamamayan ay may karapatang hiwalayan, mag may ari ng lupain at maging pinuno pa ng barangay o teritoryo. Ganito tayo hinubog at nilamon ng kolonyalismo na hanggang ngayon daang taon na ang lumipas ay namumuhay pa rin tayo sa ideyolohiya ng mga kanluranin na sumakop satin.

Madalas nakakahon nag kababaihan sa ating mga pelikulang pilipino na madalas ang karakter nila kung hindi mahihin ay mabilis mataranta o kaya sobrang malamya na kailangan lagi ng kasama. Madalang ang babae na bida na matapang at may paninindigan, tapos sa huli tumitiklop din sila at ililigtas ng lalaking karakter. Sa mga bida ng mga aksyon movies, laging lalaki na astig at barumbado ang bida. Hindi siya maalam makipag usap ng ayos sa tao at kanilang lenggwahe lamang ay baril at kamao. Pero sa kadahilanang hindi natin alam, nahuhulog ang babae sa kanila sa huli ng pelikula. Sa iba, ayos lang naman to di ba? Kaso may mga lumang pelikula na sinampal, binantaan, siniraan ng gamit, at kung ano ano pang karahasan ang ginawa sa kababaihan pero nahulog pa rin sila sa lalaking bida. Sa pagtutulak ng naratibo na mamahalin ka ng babae kahit anong gawin mong masama sa kaniya, ay nagpapasok tayo sa kamalayan ng karamihan na “ah ayos lang pala yung ganito” tipong sinaktan na siya ng lalaking bida pero niligtas siya at humingi ng tawad (na dapat lang naman talaga) ay nahulog siya. Madalas ito makita sa mga aksyon films noon na pinagbibidahan nila Robin Padilla, Lito lapid, at kahit si Fernando Poe Jr.

Bihira rin bigyan ng sariling desisyon ang kababaihan sa pelikulang Pilipino. Sila ay madalas pinapatay, ginagahasa, o nakakatikim ng kahit anong antas ng karahasan upang maging motibasyon ng lalaki sa pagtulak ng kwento. Lumalabas na sila ay premyo lamang na walang kamalayan at sariling desisyon. Nandoon sila para magkaroon ng ipaglalaban ang lalaki, wala ng ibang dahilan. Kung ikaw ay unang asawa sa isang aksyon film, malamang patay ka na bago magsimula ang kwento, ni hindi ka nga papangalanan ikaw lang ang “nasirang asawa.”

Bihira mag palabas ang mga pelikulang Pilipino ng maasahan at magiting na babae sa takilya at kapag ipinakita nila ito, madalas ito’y minamasama o kaya ipinapakita sa liwanag na hindi dapat tularan. Isa sa mga sikat na pelikula sa nakaraang dekada ay ang Four Sisters and a Wedding. Nakakatawa siya at ibang parte ng pelikula ay sumikat sa social media pero mahalaga makita natin ang ginampanan ng apat na kapatid lalo na ni Bobbie na ginampanan ni Bea Alonzo. Kinrompronta si Bobbie na siya ang kinaiinggitan ni Teddie, dito naglabas ng saloobin si Bobbie na sa dami ng tiniis niya sa nakaraang taon ay pinili niyang manatili dahil mahal niya ang kanyang pamilya. Lahat ng sakripisyo niya ay balewala dahil “yumabang” siya. Sa lahat ng ginawa niya, siya pa ang masama dahil sa isang punto ay napuno na siya. Kung lalaki ang nasa katauhan ni Bobbie malamang siya ay ipagdidiwang bilang mapagbigay na indibidwal, at magandang ehemplo sa kanyang mga kapatid, pero hindi ganun, hindi ganun sa pilipinas.

Labas naman sa aksyon movies, ang mga romance ng Pilipinas ay malaki rin ang problema kung paano ipakita ang relasyon ng lalaki at babae at kung paano laging nagkokompromiso ang babae. Madalas umikot ang pelikula sa pagiging martir ng kababaihan kaya madalas natutulak ang ganitong naratibo ang mga pelikulang A Very Special Love (2008), Talk Back and you’re Dead (2014), and at kahit ang pinakamamahal ng karamihan na One More Chance (2007) at sequel A Second Chance (2015) ay nahuhulog sa ganitong ideolohiya.

Mahalaga na matingnan natin ang mga pelikula na inilalabas natin taon taon dahil napatunayan na sa pag aaral na malaki epekto ng media sa pag iisip at pagtanaw sa tunay na buhay. Hindi naman lahat pelikula ay masama. May mga pelikula na kinakalaban ang ganitong pag iisip tulad ng: Kisapmata (1981) (isang pelikula na hinahamon ang tradisyonal na sistemang patriyarkal at ideolohiya ng machismo o pagkalalaki) at Liway (2018) (tungkol sa isang ina at kung paano niya binatayan at sinigurado kaligtasan ng kaniyang anak habang martial law). Nakakalungkot lang isipin na sa isang pelikula na kumakalaban sa ganitong ideolohiya ay may isang daang pelikula na tinutulak ito. Isang halimbawa pa ng pelikula na itinutulak ang ganitong pagiisip ay ang One More try (2012) na sinisi ng karakter ni Dingdong Dantes ang karakter ni Angelica Panganiban dahil sa pagkamatay ng kanilang anak dahil nakunan si Angelica. Idinahilan ni Dingdong na inuna pa kasi ni Angelica ang kaniyang career. Maraming problema ang pelikulang ito na isang artikulo ang kailangan para rito.

Hangga’t pinapakita sa takilya na kababaihan ay minamaltrato, hinihiya, at minamaliit para umusad ang kwento ng lalaking karakter ay hindi tayo makakaasa na maayos ang problema ng misogonismo sa pilipinas. Kaya sa susunod na manood ka ng pelikula at hindi mo nagustuhan ang trato sa babaeng bida isipin mo “gagawin ba nila ito sa kaniya kung lalaki siya?”

No comments:

Post a Comment