Thursday, July 18, 2019

Day 366: Miss mo?

                     Ang hirap pala kapag may namimiss ka pero hindi ganun ang pakiramdam nya paukol sayo. Nakakainis lang pala na lahat noong nangyari at naganap sa pagitan niyo ay ikaw lang ang nagbigay ng kahulugan, na ang pinakamasasayang bahagi ng buhay mo ay pampalipas oras lamang niya. Kaya maiisip mo na lang kung pinahalagahan ka ba talaga sa simula dahil ambilis niyang nawala nang wala man lang pasabi na para bang wala kayong pinagsamahan. Kaya ikaw na tanga iisipin mo kung san ka ba nagkulang o kung nagkulang ka ba talaga o sa simula pa lang ay wala ka naman talagang halaga.
                    Mahirap pa ay hindi ka gusto makita ng taong namimiss mo. May galak ka pa na nadarama sa aksidenteng magkasalubong kayo pero siya ay may halong ilang at pandidiri pa kapag nakita ka. ikaw naman pilit umaasa pa kaya panay ang parinig sa social media habang sya ay masaya nang naguupdate ng buhay sa iba. Iba pala talaga yung kirot kapag may hinahanap hanap ka tapos yung hinahanap hanap mo may nahanap ng iba. Madali kang palitan pero ang hirap mo makalimot, sumugal ka sa laro ng pag ibig at ikaw na lang ang laging talo.
                   Kapag ganung sitwasyon iniisip mo na sana natulog ka na lang sa late night talks o kaya hindi ka gumayak sa mga spontaneous trips niyo na napupunta kung saan. Dahil sa bawat puyat na iyong ginagawa ay ang alaala na kausap siya at sa bawat lugar na pinuntahan ninyo ay isang masakit na alaala na ang matatamis na halik niya noon ay naging mapait na panlasa sa mga pagkakataon na tinatraydor ka ng alaala. Naglaan ka ng oras sa taong panandalian lang ang tingin sayo, panindigan mo yan.
                    Sa huli, hindi naman kasi talagang naging kayo, nagexpect ka lang. Kasalanan mo yan.

No comments:

Post a Comment