Tuesday, November 22, 2022

Lamay

  Maagang nagising si Benjamin kasabay ng agarang paligo at pagbibihis. Kasama ang kaniyang kapatid na si Leslie ay mabilis silang umalis ng bahay ng umagang iyon dahil ang nanay nila ay nakakita ng ligpitin ng magkakapatid na pinagkainan noong madaling araw. Agarang tumakbo ang dalawa palabas ng bahay upang mapunta ang trabaho sa bunso nilang kapatid.

Papunta sila sa lamay ng tatay ng kaibigan nilang si Mario. Kamamatay lamang nito tatlong araw ang lumipas , hindi nila alam bakit ito namatay pero nais nilang makiramay sa kaibigan at nagkataon na tinapat nila sa araw na ito. Dumaan muna sila sa tindahan at bumili ng isang dosenang zesto para ibigay sa pamilya ng namayapa. Habang namimili ay napadaan ang isa pa nilang kapitbahay at kaklase ni Leslie na si AJ. Ang malaking ngiti nito ay sinalubong ng simangot ni Leslie na kala mo ay nakakita at nakaamoy ng patay na daga. 

"Gara ng suot ah san ang burol?" tanong ni AJ habang tinutusok ang isang zesto na kinuha nya sa plastic bag ng magkapatid.

"Kina Mario ay kamamatay lang ng tatay niya nung huling huwebes" tugon ni Benjamin

"Ay gago, kelan pa?"

"Nung Huwebes nga kasasabi lang"

"Sabay na ko sa inyo! nakakahiya naman kung di ako magpakita"

"Mas nakakahiya kung GANYAN ka magpapakita" sabi ni Leslie habang habang iniismid mula ulo hanggang paa si AJ.

Mabilis na tumakbo si AJ pauwi habang nakikiusap sa magkapatid na hintayin siya. Binigyan ng inis na tingin ni Leslie ang kanyang kuya habang nakain ng toasted mamon. May dumaan na kapre sa may tindahan na may hatak hatak na oxygen tank at tumango sa magkapatid. Bumili ito ng dalawang kaha ng marlboro tapos umalis din agad at naghahanap ng lighter dahil yung sa tindahan ay naiuwi ng isang lasing kahapon.

Isang duwende rin ang bumalik sa tindahan at nagbalik ng isang bote ng pop cola. Nakipagtalo ito sa may ari ng tindahan dahil pinangakuan siya ng deposito  ng anak ng may ari nung kinagabihan pero sagot ng may ari ay wala naman nakalista kaya paano mangyayari na may deposito. Matagal ang kanilang pagtatalo na napunta na sa mahal na presyo ng bigas, bakit hindi nagkatuluyan ang AlDub at bakit natalo Ginebra kagabi. Sa huli, bumigay din ang duwende at umalis ng tindahan habang ipinapadyak ang paa sa yamot.

Halos isang oras din bago nag pakita si AJ uli sa magkapatid. Ngiting ngiti ito at nakasuot ng puting polo at itim na pantalon na masking tape pa nakalagay "250." tumayos na si Benjamin at inaya ang dalawa na lumakad na para di na sila tanghaliin. Habang nasa kanto ng kanilang subdivision nagtanong si AJ kung nasaan ang bunsong kapatid ni Leslie at Benjamin. Hindi nagsalita ang dalawa at tila nagkaron ng interes sa hugis ng mga ulap.

"Nasan yung bunso?" tanong ni AJ

"Tingnan mo yung ulap, hugis bibe" Sabi ni Benjamin habang mahina pang pumapalakpak.

Pagtigil ng isang jeep sa harapan nila ay laking galak ng magkapatid na maluwag ito. Ngunit pag upo ni Benjamin ay agarang kumandong si AJ sa kanya. Nakabibinging katahimikan ang namagitan sa dalawang binata habang si Leslie ay halos magkulay ube sa pag pigil ng tawa.

"Komportable ka ba sa pag upo mo pre?" tanong ni Benjamin habang nanlilisik ang mata sa kaibigan.

"Ayos lang naman" sagot ni AJ na tila may pagka inosente sa kaniyang tono.

"Marahil gusto mong lumipat aking kaibigan? malawak ang jeep."

"Hmmm... hinde okay lang ako" ngumiti si AJ at nag kibit balikat lamang

Tinulak ni Benjamin si Aj. Bumagsak ito at nagalit ang driver sa kanilang dalawa. Umupo si Benjamin ng maayos ngunit kumandong lang uli si AJ sa kaniya.

"Brad ano bang problema mo"

"Sapat lang kasi pera ko sa abuloy"

"Edi wag ka na mag abuloy kung ganun"

"Hala nakakahiya naman"

"Sakin hindi ka nahihiya?"

Makalipas ang ilang minuto na pagtatalo ay nabwisit na si Leslie at nagbayad na para kay AJ. Dahan dahan naman bumaba ang binata sa kandungan nni Benjamin kung saan siya ay tiningnan ng masama hanggang makarating sila sa paroroonan.

Binurol ang tatay ni Mario sa isang chapel. May malaking gate na binabantayan ng gwardiya tapos sa likod ng chapel naman ay sementeryo. tatlong chapel ang nakahanay. Pamilyar ang huling chapel sa mahkapatid at napuna rin ni AJ na hindi yun nais tingnan ng magkapatid. Kaya itinuon nila atensyon nila sa dalawang chapel.

Ang unang chapel ay walang aircon at kulay puti ang dingding. Salamin ang pintuan nito, yung sliding door na makikita mo sa bahay ng mayayaman na madali mabasag tapos magtataka sila mabilis sila malooban. Kulay green ang bubong nito  at may gold lining sa alulod na puno ng dahon. Kataka takang wala itong PWD ramp kaya pag may bisitang naka wheelchair siguro kaniya kanyang kamot sino bubuhat. 

Sa pangalawang chapel nakaburol tatay ni Mario dahil natanaw na nila ang payat na pigura nito ang kulay pulang sumbrero na laging suot umulan man o umaraw. Mas simple ang pangalawang chapel kumpara sa nauna dahil bukas na bukas ang mga pintuan at bintana nito. Sa labas ay limang mesa ang nakaayos at bawat isa ay may nagiinom, nagyoyosi, at nagsusugal. Palapit na ang tatlo kay Mario nang hinablot sila ni Leslie sa manggas at gigil na sinabi sa dalawa na: "Umayos kayong dalawa ha?"

Ngumiti lang yung dalawa at tumango. Naglakad ang dalawa patungo kay Mario na halatang wala pang tulog sa lalim ng eyebags nito. Mas maputla ang balat nito at tila kumakapit na lamang ang kaniyang balat sa buto. Lugmok ang mukha nito na nakatitig sa sahig ngunit sa pagtanaw niya kay Benjamin at AJ ay nagliwanag ang mukha nito.

"Kamusta na? Mabuti umabot kayo" sabi ni Mario sa kaniyang mga kaibigan.

"Kailangan namin umabot, yung tatay mo hindi eh" sagot ni Benjamin

Tumawa lamang si Mario at pinapasok sila sa loob. Tanging ang mga malamlam na ilaw mula sa tabi ng kabaong ang nagiilaw sa loob at ilang bumbilya na tila papundi na ang nag iilaw sa loob ng kwarto. May ilaw na pumapasok sa bintana ngunit natatakpan ito ng mga water dispenser at cabinet na may inumin at biskwit na galing sa lata. Pinalapit sila Benjamin sa may kabaon pero ang nakatingin lamang ay si AJ. Si Leslie at Benjamin ay nakatingala sa mga kandila at kurtina at tila nais nang makaalis sa harapan ng ataul.

Bumalik ang tatlo sa isang upuan malapit sa may pintuan palabas kung saan inalok sila ng girlfriend ni Mario na si Joy ng isang mangkok ng sopas. Kinamusta muna nila si Joy habang tinatanggihan ang sopas. Nagtataka si Joy bakit ayaw ni Benjamin ng sopas at nung tinanong niya ito sagot ni Benjamin ay "Di ako nakain sa patay, unsanitary eh tingnan mo may bangkay." Tinitigan lamang si Benjamin ni Joy tapos umalis ito sa harapan nila. Nakatingin si Leslie at AJ kay Benjamin na parang tinubuan ito ng pangatlong ulo. 

Patuloy na lamang humigop ng sopas si Leslie at AJ. Mga ilang oras na payapa sa loob ng chapel hanggang may malakas na sigaw.

"DIYOS KO PANGINOON YAHWEH HUDAS KALYOTE SINO NAGPAPASOK DIYAN?!"

Isang matandang babae na may puting buhok at itim na balabal ang nasa may pintuan ng chapel ang nakaturo kay Leslie dahil naka pula ito. Sa di nakakaalam masama raw mag pula sa patay dahil pinapakita mo raw na masaya ka pa na namatay yung pinaglalamayan niyo. Kaya dapat malamlam na kulay lang suot mo tulad ng itim or grey. "Nawala sa isip ko na nakapula ka" wika ni Benjamin sa kaniyang kapatid habang inihaharang ang sarili sa tingin ng matanda sa kaniyang kapatid. 

Inirapan lamang ng matanda si Leslie habang pinapanood niya lumabas ang dalaga. Sumunod agad si Benjamin sa kaniyang kapatid pero inawat siya ni Leslie. "Uuwi na ko bahala na, pero dito ka muna mas kailangan ka ng kaibigan mo kaysa sakin. Wag mo ko alalahanin for sure naman sa susunod na lamay yang matanda na yan na, mangunguna pa ko sa pila." Inabutan lamang ng bente ni Benjamin ang kapatid at bumalik na ito sa loob ng chapel.

Humingi ng dispensa si Benjamin kay Mario pero tumawa lamang ito. Makaluma raw talaga lola na. "Kita ko naman" sagot ni Benjamin. 

Naglakad patungo sa kabaong ang matanda at umiyak ito ng sobrang hapis na bawat sigaw at galit niya ay umuugong sa apat na sulok ng chapel. Tahimik ang lahat at pilit kinakalma ang matanda. Sinisigaw nito lahat ng kaniyang sama ng loob. "Hindi dapat mauna ang anak sa magulang!" Sigaw nito paulit ulit habak pilit pinipiglas ang kitang nanghihinang katawan na inaalalayan lamang ng mga tiyuhin ni Mario. 

Maluluha na sana si Benjamin kung hindi sana sa isang pinsan ni Mario na hinahabol ang luha ng matanda ng isang neon green na tabo. Iniiwasan nilang tumulo ang luha nito sa kabaong dahil hindi raw matatahiik ang namatay. Halos dumugo na ang labi ni Benjamin sa pagkagat ng kaniyang labi sa pagpigil ng kaniyang tawa.

Makalipas ang ilang minuto ay kumalma na ang matanda at bumalik ang nakakabingin katahimikan sa loob ng chapel. May isa isang pumupunta na tao sa chapel pero hindi sila nagtatagal masyado. Tumulong na si Benjamin sa pag bibigay ng juice dahil kitang hindi pa makapaniwala ang pamilya ni Mario sa mga nangyayari. Habang nag aabot ng juice si Mario at Benjamin sa isang nag totongits sa labas ay ay malakas na kalabog sa loob ng chapel. Sinampal ng nanay ni Mario ang isang tiyahin dahil nagpasalamat ito sa sopas na inalok ng girlfriend ni Mario.

"Bakit ka nag thank you!" sigaw ng nanay ni Mario sa tiyahin habang hawak hawak siya ng dalawang lalaki.

"Anong ginawa kong masama?!" sagot ng tiyahin

"Wag ka kasi mag pasalamat! Parang di ka pinalaki ng ayos eh!" 

"Ha?!"

Tumagal ang away ng dalawa ng ilang segundo pa hanggang sa umawat na si Mario sa gitna. Pinagalitan niya ang kaniyang tiyahin at nanay at sabay tumahimik silang dalawa. Kakamot kamot sa ulo, lumapit si Mario kay Benjamin at humingi ng tawad. Tatawa tawa lamang itong sumagot sa kaniyang kaibigan.

"Pasensya ka na medyo eskandalosa pamilya ko"

"Ayos nga yun medyo exciting" sabi ni Benjamin habang silang dalawa ni AJ ay pigil na pisgil ang tawa.

Pinaghiwa hiwalay ni Mario ang kaniyang pamilya sa kaniya kaniyang upuan. Tanging ang nanay niya ang nakaupo sa isang upuan sa harap ng kabaong na iiba ang kulay sa lahat ng upuan sa loob ng chapel. habang palapit na ang gabi ay unti unti nang nagdadagsaan ang tao na nakatrabaho ng tatay ni Mario noon. Halos dalawang oras puno ang chapel at maraming nagsusugal at nagdadasal sa isang paligid. 

Kumalma na ang kapaligiran at nagpaalam na muna si AJ sa gitna ng mga ginagawa dahil nagtext "daw: ang nanay niya hinahanap na siya.

"Ayaw mo lang tumulong na eh" sabi ni Benjamin

"De gagi magagalit nga mama ko"

"Osiya umalis ka na wag mo kalimutan magpagpag. Baka sundan ka ng tatay ni Mario pauwi"

"Ano naman mapapala niya sakin?"

Kinuha ni Benjamin ang isang wafer sa bulsa ni AJ at ibinalik ito sa bilao ng mga biscuit.

"Umalis ka na nga lintek ka" sabi ni Benjamin habang nag hahain ng juice at biscuit sa mga bisita.

Makalipas ang dagsa ng tao ay umupo si Benjamin habang pinapahinga ang kaniyang likod. Naisip niya na may trabaho pala siya kinabukasan at kailangan na mamaalam. Lumapit siya kay Mario at nagpaalam. "Di na ko magpapasalamat baka masapak pa ko rito." Tumango lamang si Mario at sumandal sa balikat ng kaibigan. 

"Ang hirap pala"

"Oo, alam ko"

"Pano mo to kinaya noon?"

"Hindi ko pa natatanggap hanggang ngayon. Mahirap pa rin."

Tumingin si Mario sa kaibigan niya muli habang nag pupunas ng luha.

"Hindi mo siya matatanggap ng buo o kahit kailan man. Mabubuhay ka lang na parang normal at bubuuin mo ang buhay mo sa katotohanan na wala na siya." Sabi ni Benjamin habang ngumingiwi at pinipigil ang kaniyang luha.

"Parang sobrang hirap kasi di ko kaya."

"Kaya mo at kakayanin mo pa kasi kakailanganin ka nila" sabay nguso ni Benjamin sa pamilya ni Mario na nakahanap na naman ng bagong pag aawayan.

Tumakbo na si Mario pabalik sa loob ng chapel inaawat ang kaniyang mga tiyahin sabay umalis na rin si Benjamin. Palabas ng chapel ay lumingon siya sa chapel na walang laman na pangatlo mula sa gate. Madilim pero kitang kita ang haligi nitong kulay puti at gintong kulay na bintana. Tila iniilawan ng loob chapel dahil bilog na bilog ang buwan ng gabing iyon. 

Lumapit ang isang kapreng supulturero kay Benjamin.

"Naliligaw ka ba iho?" Tanong ng matandang kapre

"Ah hindi ho, galing ako sa lamay ng tatay ng kaibigan ko"

"Bakit ka dito nakatingin kung ganun?"

"Dito kasi binurol tatay ko. Mga apat na taon lumipas"

"Ah condolence iho kahit huli na"

"Ayaw niya raw kasi tumanda, ayun pagkasabi niya nun mga isang linggo nawala na siya"

Ngumiti lamang ang supulturero at iniwan nag binata na nagpupunas ng kaniyang mata. Sumakay si Benjamin ng jeep tapos pumara sa malapit na 7/11 sa kanila.